Mas malakas na pagsabog ng Bulkang Kanlaon posible pa—PHIVOLCS

Mas malakas na pagsabog ng Bulkang Kanlaon posible pa—PHIVOLCS

PASADO alas dos ng madaling araw nitong Mayo 13 nang muling pumutok ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island.

Kakatapos lamang ng botohan at abala ang mga Pilipino sa bilangan ng boto nang mabulabog sila dahil sa malakas na tunog na animo’y mga nahuhulog na bato.

Kitang-kita sa mga video online ang malalakas na bugso ng pagsabog na naglabas ng mainit at nagniningas na abo, na agad bumagsak at gumulong pababa sa timog na bahagi ng bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, ito ay tinatawag na pyroclastic density currents o mainit na daloy ng abo at bato.

Makikita rin sa mga Facebook post ng netizens ang makapal na abong ibinuga ng bunganga ng bulkan, pati na rin ang mapulang apoy na nagmumula rito.

Ngunit nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na walang lava flow na nangyari sa naturang pagsabog.

“‘Yung mga nakita nating parang may apoy—actually mainit naman talaga ‘yung mga batong lumalabas at nasunog ‘yung paligid ng bunganga. Kaya sa tingin natin may lava, pero walang lava na lumalabas,” pahayag ni Dir. Teresito Bacolcol, PHIVOLCS.

Dagdag pa ng ahensiya, kailangan mas maingat at alerto ang mga residente sa paligid ng Bulkang Kanlaon lalo’t inaasahan pa ang mas malakas na pagsabog nito.

“Natanggal ‘yung bara sa bunganga ng Bulkan kaya tuloy-tuloy ‘yung sulfur dioxide. Pero tingnan natin for the next few days. Sa ngayon ay nasa Alert Level 3 ang Kanlaon Volcano. Meaning, there is a high level of unrest and hazardous eruption is possible in the next few days or probably weeks,” ani Bacolcol.

Posible rin aniya na itaas sa Alert Level 4 ang bulkan kung magtutuloy-tuloy ang eruption activity, ngunit sa ngayon ay wala pang nakikitang parameters para dito.

Ilang bayan sa Negros Island na pangunahing taniman ng tubo, apektado ng muling pagputok ng Bulkang Kanlaon

Nababahala naman ang United Sugar Producers Federation (UNIFED) sa epekto ng pagsabog sa Negros Island, isang pangunahing taniman ng tubo.

“Ang natamaan na towns ay La Castellana, La Carlota, Isabela, Bago, at Moises Padilla.”

“That’s what we are praying—na hindi na ito lumala. Nagdarasal tayo na hindi mangyari ‘yan kasi kung sumabog nang mas malakas ay malaking problema. But as of now, siguro it’s just coughing—nag-cle-clear ng throat muna ang bulkan. And I hope it remains that way,” wika ni Manuel Lamata, President, UNIFED.

May ilang pananim na tubo ang nabalot ng abo ngunit natanggal din ito dahil sa kasabay na pag-ulan.

Sa kabila nito, hinihikayat ng UNIFED ang mga magsasaka na magpatuloy pa rin sa pagtatanim.

Nakatanggap naman ang mga ito ng tulong mula sa Sugar Regulatory Administration ng Department of Agriculture.

May paalala naman ang PHIVOLCS sa mga residente ng Negros Island na apektado ng muling pagputok ng bulkan.

“Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa 6 kilometers radius danger zone dahil sa panganib ng biglaang pagputok o pagbagsak ng mga bato mula sa bulkan. Para sa mga nakaranas ng ashfall, magsuot ng facemask at iwasan ang paglabas kung hindi kinakailangan,” ayon pa kay Bacolcol.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble