MATAAS pa sa 7.7-magnitude na lindol ang puwedeng maranasan ng Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Teresito Bacolcol makaraan ang pagyanig ng lindol na may lakas na 7.7-magnitude sa Myanmar. Naramdaman ito hanggang sa Thailand nitong Biyernes.
Sa katunayan, naranasan na aniya ng bansa ang mas malakas na pagyanig tulad ng 7.8-magnitude na lindol sa Luzon noong Hulyo 1990 at 8.1-magnitude na lindol sa Mindanao na tinatawag na Moro Gulf earthquake noong 1976. Kumitil ito ng humigit-kumulang walong libong (8,000) katao.
“So the possibility that we will experience the magnitude 7.7 earthquake and above is always there,” ayon kay Dr. Teresito Bacolcol, Director, PHIVOLCS
Inilahad naman ng opisyal na bagama’t hindi pa isang daang porsyentong handa ang Pilipinas pagdating sa ‘The Big One’, ay masasabi naman nitong mas preparado ang bansa ngayon kumpara sa mga nagdaang dekada.
Malaking tulong aniya ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC sa kamalayan ng mamamayan tungkol sa impact o epekto ng lindol. Ito’y bunsod ng mga ginagawang earthquake drill.
“Now, kung saan sa Pilipinas, except sa Palawan, halos lahat ng parte ng Pilipinas ay may mga active faults. We have more than 180 active faults segments and 6 trenches and these are all capable of generating large to major and even great earthquakes. So kailangan talaga nating paghandaan,” dagdag ni Bacolcol.
Gayunman, may mga hamon pa rin na kailangang harapin – isa na rito ang infrastructure vulnerability lalo na sa Metro Manila.
“Some, older buildings, roads, bridges and other critical infrastructures in Metro Manila may not be earthquake resistant. Retrofitting and reinforcing buildings are important,” aniya.
33,000 katao sa Metro Manila, posibleng mamatay kapag tumama ang ‘The Big One’
Samantala, sinabi ni Bacolcol na kapag tumama ang ‘The Big One’, posibleng aabot sa 33,000 katao ang casualty sa Metro Manila. Base ito sa pag-aaral ng PHIVOLCS, Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, at Japan International Cooperation Agency o JICA noong 2004.
Bilang paghahanda, pinayuhan ng PHIVOLCS ang bawat pamilya lalo na ang mga nakatira sa matataas na gusali, na dapat may plano sa paglikas at mahalaga ring malaman kung saan ang mga emergency exit.
Importante ring may nakahandang emergency kits o emergency bags na may laman na flashlight, pagkain, tubig, gamot – na tatagal ng tatlong araw.
Mahalaga ring pag-usapan ng pamilya at magsanay sa pagsagawa ng Drop, Cover, and Hold at magtakda ng meeting point kung sakaling magkahiwa-hiwalay ang mga family member kapag may lindol.
Sa ngayon, may anim na trenches pang minomonitor ang PHIVOLCS na posibleng gumalaw dito sa Pilipinas.
“These are all capable of generating major and even great earthquakes. Ito ‘yung East Luzon traft, Philippine trench, meron din tayong Cotabato trench, ito ‘yung nag-move noong 1976.”
“Meron din tayong Sulu trench, Negros trench and Manila trench. Lahat iyan are capable of generating large magnitude earthquakes and puwede ring mag-generate ng tsunami,” aniya pa.
Follow SMNI News on Rumble