Mayor Binay sa pamamahagi ng kumpletong school supplies: “Wala nang rason para hindi makapasok ang mga anak”

Mayor Binay sa pamamahagi ng kumpletong school supplies: “Wala nang rason para hindi makapasok ang mga anak”

PARA kay Aling Panesa, isang magulang na may tatlong anak na sabay-sabay papasok ngayong June 16, isang malaking ginhawa ang natanggap nilang mga school supplies ngayong pasukan. Construction worker lang ang kanyang asawa, kaya’t malaking bagay ang ganitong suporta mula sa lokal na pamahalaan.

Mula elementarya hanggang high school, tumanggap ang mga estudyante ng Makati ng Japanese-style na Randoseru bag, Air Binay 6.0 shoes, school uniforms, black shoes, emergency go bags, at hard hats.

Ayon kay Mayor Abby Binay, hindi na dapat maging hadlang ang kakulangan sa gamit o pera para makapag-aral ang mga bata sa lungsod.

‘’Wala na dapat rason para hindi makapasok ang mga anak. Yung una sinasabi baon, may libre na kaming pagkain sa school, may proect Feed. Wala na rin kaming problema sa uniform. Dati pinapatahi yung uniform, libre na ang uniform. Sinasabi walang pambili ng sapatos, libre na yung sapatos. So there is really no reason for a parent na drop out yung anak, maliban sa hindi nagaaral yung anak,’’ ayon kay Mayor Abby Binay.

Hindi lang pamimigay ng gamit ang hangarin ng Makati LGU.

Ayon kay Mayor Abby, mahalaga ring itaas ang pride at dignidad ng mga mag-aaral sa public school system.

‘’Alam ko yung feeling na, “Public school ako pero may dignidad.” May yabang na nagaaral sila sa public school. So yun yung kailangan natin na mindset para hindi tumatamad pumupunta sa school. Hindi nakikinig pag pumapasok sa school. It has to be conducive environment,’’ saad ni Mayor Binay.

Ngunit paalala ng alkalde, ang libreng gamit ay kaakibat ng pananagutan.

Kailangang pumasok at pumasa sa kanilang mga subjects ang mga estudyante.

Samantala, tumanggap naman ng libreng laptops ang mga guro bilang bahagi ng pagpapalakas ng smart classrooms sa lungsod.

‘’Its not enough na lagi naming tinitrain yung teacher pero wala naman siyang laptop. Wala naman siyang gamit. So importante lage yung suporta natin sa teacher. Kung hindi masaya at walang angkop na kagamitan ang teacher ano yung ituturo niya sa estudyante?’’ dagdag ni Mayor Binay.

Ang pamamahagi ng school supplies at laptops ay bahagi ng Brigada Eskwela 2025 ng Makati.

Magpapatuloy ang Brigada Eskwela hanggang June 13, bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa June 16.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble