Mental health at psychosocial services, iniaalok ng DOH sa mga nasalanta ng bagyo

Mental health at psychosocial services, iniaalok ng DOH sa mga nasalanta ng bagyo

INIAALOK ng Department of Health (DOH) sa mga nasalanta ng bagyo ang Mental health at psychosocial services.

Madalas nakararanas ng trauma ang mga sinalanta ng bagyo lalo na ang mga namatayan pa ng mahal sa buhay sa gitna ng kalamidad.

Ayon kay DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, mayroong mental health at psychosocial services na iniaalok ang ahensiya sa panahon ng sakuna at panahon ng disaster response.

Binigyang-diin ni Domingo na hindi lamang ang pangangatawan ang kailangang inaalagaan ngunit pati ang isip at damdamin.

“Mabigat na problema, mabigat sa ating karamdaman kapag tayo po ay nagkaroon ng evacuation; naalis tayo sa bahay natin o kaya nagkaroon tayo ng namatayan, kunwari, ng isang kamag-anak dahil sa sakuna na nangyari,” saad ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.

Kaugnay rito, inilahad ni Domingo na mayroong basic training ang mga health worker pagdating dito, ito ang tinatawag na brief intervention o simpleng kumustahan lalo na ang mga nasa evacuation center.

Aniya, malaking bagay ito para maibsan ang bigat ng kanilang kalooban.

“Ang atin pong mga taong naging, sabihin na natin apektado nitong si Kristine at iba pang mga sakuna, dapat sila ay kinakausap natin— alam po ng ating mga health workers iyan— at nagkakaroon po tayo ng genuine connection. Ibig sabihin, nirirespeto natin iyong sitwasyon nila at hinahayaan nating ma-process iyong kanilang damdamin,” ani Domingo.

Sinabi ng tagapagsalita ng DOH na napakahalaga ang simpleng pagsabi ng damdamin lalo sa health worker na sumailalim sa pagsasanay sa pagbibigay ng mental health services.

“Sa panahon pong ito, okay pong malungkot— hindi po iyan kahinaan; hindi po iyan, kumbaga, masama sa isang tao. Ang pagsabi ng ating damdamin sa isang kausap, lalo na po sa isang health worker na trained sa mental health services ay napakahalaga po iyon.”

“Kasama po iyan sa mga inu-offer natin sa ating mga first aid at sa ating mga evacuation centers,” dagdag ni Domingo.

Binanggit pa ni Asec. Domingo na mayroon nang naka-station na Health Emergency Response Teams doon sa mga lugar na apektado ng Bagyong Kristine.

Samantala, inihayag din ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na nakapagsagawa na rin ng psychological first aid ang kanilang social workers na ‘present on the ground.’

“Iyong pong proteksyon ng psychological first aid na bahagi rin ng mga isinasagawang nating activities as lead in camp coordination and camp management and in the protection of internally displaced persons.”

“May, of course, naramdaman o iyong na-experience po ng mga kababayan natin, has posed extreme trauma to them so isa po ito sa mga interventions na isinagawa natin,” wika ni Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble