Metro Manila bike lanes, opisyal nang binuksan ngayong araw

Metro Manila bike lanes, opisyal nang binuksan ngayong araw

PORMAL nang binuksan ang Metro Manila bike lanes para sa mga siklista ngayong araw.

Ang nasabing programa ay pinangunahan ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) katuwang ang iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno at mga pribadong sektor.

Dinaluhan ang kaganapan nina Metro Manila Council Chairman Edwin Olivarez, MMDA Chairman Benhur Abalos, San Juan Mayor Francis Zamora, House Committee on Transportation Chairman Rep. Edgar Mary Sarmiento, LTFRB Chairman Martin Delgra, DOTr Asec. for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, DPWH NCR Regional Director Eric A. Ayapana at ilang mga pribadong sektor.

Kabilang naman sa dumalo ang Safe Cycling and Walking Agenda Lead at Move as One Coalition.

Ang Metro Manila bike lanes ay aabot sa 313 kilometers kung saan P813 milyon ang pondong inilaan para dito at sa iba pang road sectors.

Makatutulong sa kaligtasan ng bawat Pilipino ang mga itinatag na bike lane sa buong lungsod ng Metro Manila upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.

Sa Republic Act No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act, sa pamamaraang ito ay idineklara ang mga bisikleta bilang isang karagdagang paraan ng transportasyon para sa publiko lalo na sa ngayong panahon ng pandemya.

Hinihikayat naman ng DOTr at DPWH ang publiko na gumamit ng bisikleta hindi lamang gawing transportasyon kundi malaking tulong din ito sa kalusugan.

Tinitiyak naman ng ahensiya ng gobyerno na maraming pang bike lanes ang gagawin hindi lamang  sa Kalakahang Manila kundi sa buong bansa.

Sa ngayon ay nasa mahigit 500 kilometers ng bike lanes ang nakumpleto ng DOTr at DPWH sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao.

SMNI NEWS