Metro Manila bilang may pinakamalalang lagay ng trapiko sa buong mundo, tinutulan ng MMDA

Metro Manila bilang may pinakamalalang lagay ng trapiko sa buong mundo, tinutulan ng MMDA

MULA sa ikalawang puwesto noong 2019, nasungkit ng Metro Manila nitong 2023 ang unang puwesto para sa may pinakamalalang lagay ng trapiko sa buong mundo.

Batay sa pag-aaral ng TomTom Traffic Index, gumugugol ang bawat motorista ng 25 minuto at 30 segundo na travel time sa bawat 10 kilometro sa Metro Manila.

Ang naturang pag-aaral ay hindi sinang-ayunan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ni MMDA acting Chairman Romando Artes, nais nila ng paglilinaw sa datos na iprinisenta ng TomTom.

“Hindi ko masabi na nag-aagree ako na pinaka worst tayo sa buong mundo kasi hindi ko naman din alam ‘yung situation sa ibang bansa.”

“Hindi namin alam kung ano ang methodology na inemploy ng TomTom to say na number 1 ang Metro Manila,” pahayag ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

Pero sa kabila nito, hindi naman aniya talaga maitatanggi ang masamang lagay ng trapiko sa Kalakhang Maynila.

Sabi ni Artes isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang pagdami ng mga sasakyan.

Batay sa datos ng MMDA noong 2021, mayroong 3.2 milyong sasakyan ang umiikot sa Metro Manila kada araw.

Tumaas ang bilang sa 3.5 milyon noong 2022 hanggang naging 3.6 milyon nitong 2023.

“Noong 2023, 3.6 million vehicles daily na umiikot po sa buong Metro Manila on 24-hours na ang road network po natin sa Metro Manila ay 5,000 kilometers lang. So you can just imagine na pinagkakasiya natin ‘yung 3.6 million vehicles sa 5,000 na kilometro ng kalsada,” dagdag ni Artes.

Bukod sa pagdami ng sasakyan, ilan din sa mga dahilan ng matinding traffic sa Kalakhang Maynila ani Artes ay ang mga baradong daanan dahil sa illegal parking, mga sasakyang nagsusundo ng mga estudyante, mga pag-aayos sa mga kalsada, mga aksidente, at mga infrastructure project.

Pagtitiyak naman ng opisyal, patuloy aniyang naghahanap ng mga solusyon ang pamahalaan dito.

“Kailangan po naming pagtulung-tulungan ng iba’t ibang agency ito at pag-aralan. Marami po kaming inilatag or sinuggest na mga improvements lalong-lalo na sa infrastructure,” ani Artes.

Road at infra projects, tuluy-tuloy para solusyunan ang problema sa trapiko—DOTr

Sabi naman ng Department of Transportation (DOTr) na nagpapatuloy ang road transport infrastructure projects ng gobyerno upang matugunan ang matinding problema sa trapiko.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista na ang nasabing ranking ng Metro Manila pagdating sa trapiko ay hindi lamang isang hamon para sa DOTr kundi sa iba pang ahensiya na maging malikhain sa paghahanap ng pangmatagalang solusyon.

“The top ranking of Metro Manila in world traffic poses a challenge not just for DOTr but other agencies as well to be creative at finding lasting solutions to metro traffic,” saad ni Secretary Jaime Bautista, Department of Transportation.

Dagdag pa ng kalihim, kanilang bibilisan na matapos ang mga proyekto habang nakikipagtulungan sa iba pang mga ahensiya at sa tulong ng pribadong sektor.

“We will fast track road projects while collaborating with appropriate agencies with the help of the private sector,” ani Bautista.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble