HINDI lang alagang aso at pusa ang kailangan bantayan kontra rabies dahil posible rin mahawaan ang mga baka at baboy ayon sa Department of Agriculture (DA).
Siniguro ng pet owner na si Kuya Jo na bakunado kada taon ang ang kaniyang alagang aso kontra rabies.
Ito ay upang hindi mahawa sa naturang virus na peligroso pagdating sa tao sa oras makagat o makakuha ng galos mula sa alagang hayop na may rabies.
“Dinadala ‘to ng aking anak sa veterinary clinic para hindi siya maka-impeksyon ng ibang hayop para rin sa kaligtasan ng pamilya,” ayon kay Kuya Jo, Pet Owner.
Pero, alam niyo bang hindi lang pala aso at pusa ang kailangan bantayan kontra rabies.
Dahil maging ang mga alagang baka at baboy ay posible rin palang magpositibo sa naturang virus.
Batay sa ulat ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng DA, mas dumarami pa ang mga alagang hayop na nagkakaroon ng rabies.
Noong 2023 lamang, anim na mga baboy sa Marinduque ang nagpositibo sa rabies matapos makagat ng asong pagala-gala na may naturang virus.
Naitala rin ang 20 pang baboy na nahawaan din ng rabies sa Pampanga.
Marso lamang ng taong kasalukuyan, nasa dalawang baka rin sa Marinduque ang nagpositibo sa rabies na binaon na sa lupa matapos mamatay.
Ang sintomas ng rabies sa baka at baboy ay kaparehong sintomas sa mga aso o pusang may rabies.
Grabeng paglalaway at nauuwi sa pagkamatay sa loob ng 3 – 5 araw.
Bagamat isolated cases lamang ito para sa isang grupo ng magbababoy ngunit kailangan pa ring tutukan ng DA.
“Dahil may insidente at mukhang makakapuwerwisyo sa ating mga mag-aalaga ng hayop hindi lang ng baboy, lahat ng puwedeng makagat ng aso pati ng mga tao. So, kailangan kumilos ang mga namumuno,” wika ni Rep. Nicanor Briones, Agap Party-list.
Ang DA naman ay puspusan ang ginagawang pagbabakuna sa mga alagang hayop.
Naglaan ng P16-M ang DA para sa bakuna at nakipagtulungan din sa iba pang pribadong sektor.
Target ng ahensiya na mabakunahan ang 50% ng 20 milyong populasyon ng pusa at aso.
“Yes, cause of concern. Gusto lang i-highlight dito na we need really to address the rabies issue in our country. Ang mas alarming ‘yung sa tao, mabigat ‘yun isang patay sa isang araw,” ayon kay Asec. Dante Palabrica, Department of Agriculture.
Pinaalalahanan din ng DA ang mga konsyumer na mahalaga rin ang pinagkukuhanan ng karne na mayroong tatak na nasuri ng mga meat inspector.
Dahil sa oras din na hindi naluto nang maayos ang mga karneng may rabies ay posibleng lumipat sa tao ang virus.
Kaya maliban sa pagbabakuna sa hayop,
“I would suggest na magpaturok din ang tao, kasi you do not know eh buhay ito eh hindi mo mapaipagpapalit ‘yun,” wika pa ni Palabrica.
Bakuna at laboratoryo para sa alagang hayop na tatamaan ng anthrax disease, nakahanda na—DA
Samantala, nakabantay na rin ang ahensiya sa banta ng anthrax sa alagang hayop.
Kasunod ito ng napaulat na anthrax outbreak sa ilang bansa katulad ng Laos na dulot ng isang uri ng bacteria na nabubuo mula sa isang “spore” na tinatawag na bacillus anthracis.
Kadalasang tinatamaan nito ay mga ruminant gaya ng mga kalabaw, baka, at mga kambing.
“We are ready for anthrax and actually we have a laboratory now at the Bureau of Animal Industry that can produce the vaccines,” dagdag ni Palabrica.
Technical working group, binuo ng DA kontra foot and mouth animal disease
Wala namang naitalang kaso ng foot and mouth animal disease ngayon sa bansa.
Pero, bumuo ng technical working group ang DA para i-monitor ito lalo’t mabilis makahawa ito sa mga alagang baboy, tupa, baka, at kambing.