MAAGA pa lang ay dumating na sa Baluarte Elementary School sa Molo, Iloilo City ang mag-inang sina Marvin at Virginia Dabu.
Akay-akay ni Marvin ang kanyang inang si Aling Virginia, isang senior citizen na hirap nang makalakad matapos mabulag ang parehong mata nito.
Ayon kay Aling Virginia, kahit may iniindang karamdaman, hindi siya papayag na hindi makaboto ngayong halalan.
“Para makaboto ako… kada eleksyon nagboboto ako para sa mga napusuan kong kandidato,” ayon kay Virginia Dabu, Botante.
“Ako ‘yung magsusulat ng iboboto niya kasi hindi siya nakakakita… sinamahan ko siya sa pagboto niya… sinabi na niya lahat sa akin ang iboboto niya kaya na-memorize ko na,” ani Marvin Dabu, Botante.
Kung mabilis nakaboto ang mag-inang Marvin at Virginia, kabaligtaran naman ang sinapit ng ilang senior citizens na pumila ng maaga ngunit hindi pa rin nakaboto.
Dagsa ang reklamo sa COMELEC Help Desk ng Baluarte Elementary School matapos malaman ng ilang botante na wala ang kanilang mga pangalan sa listahan.
Kabilang dito si Pablo Celiz, na halos maubos na ang oras at pasensya sa paulit-ulit na pagbasa ng precinct list para lang matukoy ang kanyang polling precinct.
Pero sa kasamaang-palad, bigo pa rin siyang makaboto.
“Sa COMELEC sana gawin niyo ang trabaho niyo, sayang ang boto ng mga kahit senior na… Last year, hindi ako nakaboto, ngayon hindi na naman ako makaboto… tapos mag-Presidential election hindi naman ako ulit makaboto? Hindi naman puwede na every year mag-register ako,” wika ni Pablo Celiz, Botante.
Aniya, kabilang pa naman sa kanyang iboboto ang ilang Senatoriables sa ilalim ng PDP-LABAN, kasama na si Senatorial Candidate Pastor Apollo C. Quiboloy.
Bukod kay Celiz, hindi rin nakaboto ngayong halalan ang iba pang regular voter, kasama na si Henry Miagao.
“Election nakaboto kami, bakit ngayon ay wala? Ang dami-dami naman oh taga-Boulevard hindi nakita ‘yung pangalan,” ayon kay Henry Miagao, Botante.
Paliwanag ni Atty. Pinky Tentativa, Election Officer IV ng COMELEC Iloilo City, hindi basta-basta inaalis sa listahan ng mga botante ang kanilang pangalan dahil dumadaan pa ito sa masusing pagdinig at beripikasyon.
“Ang deactivation maaaring na-exclude by court orders so maaaring disqualification may kaso po ‘yung tao… mag-o-order ang court na alisin pangalan niya. Another thing, 2 times or 2 consecutive elections hindi nakaboto ay aalisin din ang pangalan niya,” ani Atty. Pinky Tentativa, Election Officer IV, Iloilo City.
Aberya sa ACM, sanhi ng mala-blockbuster na pila sa Esteban Juranto Elem. School sa Calumpang, Iloilo City
Hindi lamang sa Baluarte Elementary School naramdaman ang aberya. Pati sa Esteban Juranto Elementary School sa Calumpang, Iloilo City, tila pelikula ang eksena dahil sa blockbuster na pila ng mga botante.
Mistulang hindi natitinag ang pila ng mga botante sa Esteban Juranto Elementary School.
Si Reyner Flores, alas-siyete pa lang ng umaga ay pumila na sa pag-asang agad makaboto. Pero pasado alas-diyes na ay nakatayo pa rin siya at hindi pa nakakapasok sa loob ng presinto.
“Mainit at sobrang tagal ng pila kasi may pila na sa labas ay may pila pa sa loob… masyadong consuming,” saad ni Reyner Flores, Botante.
Sa katunayan, isang lalaki pa ang nawalan ng malay habang nakapila para bumoto, pero agad naman siyang nabigyan ng paunang lunas.
Ayon sa kaniyang kapatid, masama ang pakiramdam nito at lalong pinatindi ng matinding init at pagod mula sa mahabang pila, kaya nakiusap na raw ito sa mga miyembro ng election board.
“Nagtanong na ako doon kung pu-puwede pero sabi ni… sabihin ko daw kasi masama na ang pakiramdam. Pero, sabi ng babae doon hindi raw puwede,” ayon kay Alma, Botante.
Panawagan ni Alma sa mga nangangasiwa sa mga polling precinct na mabigyan sana ng konsiderasyon ang mga botanteng may iniindang karamdaman.
Aminado naman ang DepEd Supervising Officer ng Esteban Juranto Elementary School na ang dahilan ng mahabang pila ay dahil sa nagka-aberyang Automated Counting Machines.
“With this very small place ay mayroon kaming 9 clustered precincts… panay ang pasok ng mga tao at hindi nauubos… I suggest sana next time sa COMELEC na if possible ay makahanap kami ng iba pang location na polling centers para rito para hatiin ‘yung 9 clustered precincts,” pahayag ni Jessia Sondia, Principal & DESO, Esteban Juranto Elem. School, Molo, Iloilo City.