Mga guro, kawani ng DepEd makatatanggap na ng taunang medical allowance

Mga guro, kawani ng DepEd makatatanggap na ng taunang medical allowance

NGAYONG taon, may bagong dahilan para ngumiti dahil tatanggap na ng taunang medical allowance ang lahat ng kwalipikadong teaching at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd).

Isa itong hakbang tungo sa mas malusog, mas ligtas, at mas masiglang serbisyo sa bawat paaralan sa bansa.

Batay sa DepEd Order No. 16, Series 2025 at alinsunod sa mga panuntunang inilatag ng Department of Budget and Management (DBM), layunin ng programang ito na mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot, mapalawak ang access sa serbisyong medikal, at mapalakas ang kalusugan at pagiging produktibo ng mga empleyado, lalo na sa mga malalayong lugar na salat sa serbisyo o mataas ang panganib.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang pagbibigay ng medical allowance ay pagkilala sa sakripisyo ng mga guro at kawani ng DepEd.

Makatatanggap ang mga kwalipikadong empleyado ng halagang P7K kada taon, na maaaring makuha sa pamamagitan ng isa sa mga sumusunod na opsyon: pagsali sa group HMO packages na binili ng DepEd, pag-reimburse ng sariling medical o Health Management Organization (HMO) expenses, direktang cash payment sa payroll para sa mga nasa geographically isolated and disadvantaged areas o mga kawani na walang access sa HMO.

Ang HMO packages ay tumutukoy sa mga healthcare plan na inaalok ng isang HMO.

Sakop ng benepisyo ang mga permanent, co-terminus, fixed-term, casual, at contractual na kawani na nakapaglingkod ng hindi bababa sa anim na buwan sa loob ng taon. Hindi saklaw ang mga consultant, job order workers, mga apprentice, at student laborers.

Nilinaw ng DepEd na maaaring matanggap ang benepisyo kahit hindi pa naisusumite ang mga resibo o dokumento, ngunit ang hindi pagtupad sa mga ito ay maaaring magresulta sa pagkaantala ng allowance sa susunod na taon.

Inaasahan ng DepEd na ang programang ito ay makatutulong para mabawasan ang absenteeism, mapataas ang morale ng mga kawani, at higit na mapatatag ang sistema ng edukasyon, alinsunod sa itinakdang probisyon ng Republic Act No. 4670 o Magna Carta for Public School Teachers.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble