Mga hakbang kontra “W.I.L.D. diseases” ngayong panahon ng tag-ulan, inisa-isa ng DOH

Mga hakbang kontra “W.I.L.D. diseases” ngayong panahon ng tag-ulan, inisa-isa ng DOH

NAKAAMBA na naman ang banta ng iba’t ibang sakit ngayong panahon ng tag-ulan.

Kaya naman ang Department of Health (DOH), nagbabala sa publiko kaugnay sa “W.I.L.D. diseases” o mga sakit na karaniwang lumalaganap tuwing rainy season.

Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, kabilang sa mga sakit na ito ang mga waterborne disease, influenza-like illness, leptospirosis, at dengue.

‘’Nag-umpisa na rin kami sa promotion namin sa WILD Diseases. So yung WILD, W-Water Borne Illnesses. So pagdating ng baha, tumataas ang pagtatae at mga gastroenteritits. Kaya maghuhugas lagi ng kamay. Make sure ‘pag lumusong ng tubig, maligo kaagad,’’ ayon kay Sec. Ted Herbosa.

Ipinaalala ng DOH sa publiko na tumutok sa weather updates, magsuot ng kapote at bota, siguraduhin ang malinis na tubig-inumin, at gawin ang 4T o Taob, Taktak, Tuyo, Takip.

Payo pa ng kalihim — agad na kumonsulta sa pinakamalapit na health center kapag may naramdamang sintomas o kaya’y tumawag sa kanilang Telekonsulta Hotline 1555.

Binigyang-diin naman ng DOH na mahalagang mapalawak pa ang kaalaman ng mamamayan tungkol sa pag-iingat sa mga nauusong sakit ngayong tag-ulan.

‘’Nandidiyan ang ating mga purok leaders, ini-engganyo nating i-remind ang ating mga kababayan tungkol sa paglaganao ng dengue, leptospirosis, trangkaso at mga sakit ng pagtatae. Very important din sa eskwelahan kasi na-realize namin yung dengue, day biter sya,’’ saad ni Sec. Ted Herbosa.

‘’At saka very important yung nilinis ang mga eskwelahan kasi nga sa paglilinis ng eskwelahan, mababawasan ang breeding places ng mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue,’’ dagdag nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble