Mga help desk laban sa illegal recruitment at human trafficking, itatayo sa barangay at munisipyo—DFA at DOJ

Mga help desk laban sa illegal recruitment at human trafficking, itatayo sa barangay at munisipyo—DFA at DOJ

ISANG makabuluhang hakbang ang isinasagawa ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) upang mas maprotektahan ang mga Pilipino laban sa human trafficking at illegal recruitment.

Sa pakikipagtulungan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), inihayag ng DFA na itatayo ang mga Anti-Trafficking Help Desks sa mga munisipyo at barangay sa buong bansa. Ayon kay DFA Undersecretary Robert Ferrer Jr., pangunahing layunin nito ang pagbibigay ng agarang tulong, impormasyon at proteksyon sa mga mamamayang posibleng maging biktima ng mga sindikatong gumagawa ng iligal na pagre-recruit.

“Sa tulong ng mga help desks na ito, mas mapapalapit natin ang serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad, lalo na sa mga liblib na lugar kung saan madalas targetin ng mga illegal recruiter,” ani Usec. Ferrer.

Dagdag pa rito, mga trained personnel mula sa IACAT at mga lokal na pamahalaan ang itatalaga sa mga Help Desk upang tumanggap ng reklamo, magsagawa ng initial investigation, at magbigay ng gabay sa legal na proseso para sa mga biktima.

Hinikayat din ng DFA at DOJ ang publiko na maging mapanuri sa mga recruiter, at tiyaking nakarehistro ang mga ito sa Department of Migrant Workers (DMW) o Department of Labor and Employment (DOLE).

Patuloy rin ang panawagan ng gobyerno para sa malawakang pakikilahok ng mga barangay upang mapalakas ang kampanya kontra human trafficking.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble