MULING isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbibigay ng parangal sa mga lokal na pamahalaan na maayos na ginagampanan ang mga tungkulin sa pagsawata sa ilegal na droga sa kanilang mga nasasakupan.
Ang problema sa ilegal na droga ay hindi simpleng suliranan na kinakaharap ng bawat lokal na pamahalaan ng Pilipinas maging sa ibang bansa problema ang talamak na ilegal na droga.
Maaari kasi nitong sirain ang utak ng isang indibidwal na lulong sa ipinagbabawal na droga.
Kaya naman tulung-tulong ngayon ang bawat lokal na pamahalaan upang mailigtas at mailayo sa masamang dulot ng ilegal na droga ang bawat Pilipino lalo na ang mga kabataan.
Sa ginanap na 2023 Anti-Drug Abuse Council Performance Awards araw ng Miyerkules na inorganisa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may temang “Bayang pinag-isa ng diwa laban sa ilegal na droga”.
Pinarangalan nito ang mga lokal na pamahalaan na seryosong ginampanan ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programa na may kaugnayan sa pagsawata ng ilegal na droga sa kanilang mga komunidad.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni DILG Sec. Benjamin Abalos Jr. at naging panauhing pandangal naman si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Kabilang din sa mga dumalo ang mga alkalde at mga opisyal sa iba’t ibang siyudad at munisipalidad mula Luzon, Visayas, at Mindanao.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Sen. Dela Rosa na batid niya ang hirap na kinakaharap kapag ang isyu sa ilegal na droga ang pinag-uusapan.
Kasabay ang pahayag ng senador na kahit ano ang mangyayari ay hindi siya titiklop sa mga pagsubok kontra sa ilegal na droga.
“Kaya nga itong laban sa droga is my personal advocacy ever since, sabi ko nga sa inyo kahit saan man ako dadalhin ng kapalaran pagdating sa laban na ito, kahit saan man nila ako bibitayin hinding-hindi ako, I will never waiver my with my commitment to fights against ilegal drugs dahil nga ito’y ginagawa natin sa kabataan,” saad ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Para naman kay DILG Sec. Abalos, pinaalalahanan nito ang mga alkalde na dapat huwag hayaan na masira ang kinabukasan ng mga kabataang Pilipino dahil sa ilegal na droga.
“Why are we doing this? Isipin nyo na lang lahat tayo may anak, ang anak mo ni-ayaw mo ma-impeksyon, ayaw mo makagat ng lamok baka magka-dengue, lahat ng bitamina binibigay mo lahat ng sweldo mo binibigay mo sa pag-aaral, mahal na mahal natin ang pamilya natin lalo na ang anak and the lalake lang na maging adik because of illegal drugs, I’m sorry we cannot allow that,” wika ni Sec. Benjamin Abalos Jr., DILG.
Para naman kay mayor Flora Ty ng Gen. Mc Arthur Eastern Samar, bilang isang dating nurse alam niya ang masamang epekto ng ilegal na droga kaya naman sinisikap nila na hindi masangkot sa ilegal na droga ang bawat isa mula sa kanilang komunidad.
“Ngayon sa droga number 1 ayaw ko ng droga since I’m a nurse by profession kilala ko ang nangyayari ‘yung mga kabataan na involve sa droga number 1 it will make you high ang droga pero your brain will start to dissolve as long as you are taking drugs,” ayon kay Mayor Flora Ty, Municipality of Gen. Mc Arthur, Eastern Samar.
“I don’t want no one in my town to be involved in drugs,” aniya.
Para naman kay Mayor Raida Bansil-Maglangit, bilang nag-iisang munisipalidad sa lalawigan ng Lanao del Sur na pinarangalan kasabay ng naturang aktibidad sinabi nito na mahigpit ang kanilang ginagawang monitoring sa kanilang lugar upang hindi makalusot ang mga nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang lugar.
Para naman kay Mayor Hermenegildo Culpa ng Padre Burgos, Southern Leyte sunud-sunod na ang kanilang natatanggap na ADAC award at ito’y sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kanilang mamamayan kaya kumpiyansa ito na walang puwang sa kanilang lugar ang ilegal na droga.