MALAPIT nang maabot ng Department of Health (DOH) ang 1.3M na target nitong mabakunahan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasunod ang measles outbreak sa lugar.
Sa ngayon kasi ay umabot na sa 1M ang naturukan ng ahensiya kontra tigdas.
Base sa datos, 48 percent ng mga kaso ng tigdas sa bansa ay galing sa BARMM.
Agad na isinagawa ng DOH ang bakunahan noong Abril 1 doon para mapigilan ang patuloy na pagsirit ng measles cases.
Ang bakunahan ay para sa mga bata na wala pang 10 taong gulang.
“Ang purpose nito is pinapaligiran natin ‘no, kapag mayroon tayong nakapaligid na ring of immunity through vaccination we will cut the spread of the disease. So, pino-focus natin ngayon sa Bangsamoro; to date our figures already at 1 million, 1.0 million ‘no so malapit na nating ma-hit iyong 1.3 million target natin,” pahayag ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.
Sa buong Pilipinas, nasa 1,817 na ang naitalang kabuuang kaso ng measles mula Enero 1 hanggang Abril 13 na limang beses na mas mataas kung ikukumpara sa magkatulad na panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay DOH Spokesperson Asec. Albert Domingo, ang measles ay nakukuha mula sa virus at hindi sa init ng panahon.
Tinuturing itong ‘worldwide concern’ ng WHO.
“Ang measles ay hindi siya kaugnay ng init, isa siyang dahil sa virus, ang measles virus and it can happen anytime of the year. So, nakikita natin iyong pagkalat, typically tumataas lang siya sa mga panahon na mas maraming mga pagtitipon, ang ating mga bata nagsasama-sama, so usually nangyayari iyan kapag summer,” ani Domingo.
“Pero, ito, this time around nakita natin iyong malaking pagtaas kapag kinumpara sa last year, hindi lang siya sa Pilipinas, in fact this is worldwide concerns as announced by WHO because maraming hindi nabakunahan noong panahon na naka-lockdown tayo sa pandemic,” aniya.
Una nang sinabi ni Health Sec. Ted Herbosa, na dahil sa mababang vaccination rate sa BARMM ang dahilan kung bakit sumirit ang kaso ng tigdas doon.
Karamihan aniya kasi ng mga magulang ay takot na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Sa bakunahan ngayon DOH, target nito ang 90 percent ng high risk ay maturukan ng bakuna.
Maliban sa BARMM, ay tinututukan din ng DOH ang Region III.