HINDI mapigilang maglabas ng kanilang mga saloobin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Hawaii sa ginanap na Bring Him Home rally para kay FPRRD nitong Abril 6 sa Waipahu, Hawaii, USA.
Ibinahagi ng ilang DDS supporter mula Hawaii ang kanilang taos-pusong mensahe at karanasan bilang tagasuporta ni Pangulong Duterte.
“Why I am there. I am there because I love the Philippines. Because it is the land of my birth and it is the home of my families and friends,” ayon kay Janice Sabedo Ochiro, DDS Supporter from Honolulu, Hawaii.
Ibinahagi rin niya ang ginawa niyang liham para kay Tatay Digong, kung saan personal niyang dinala ang isang postcard sa The Hague, Netherlands.
“Driven by determination I embark on a remarkable journey personally delivering this postcard to your mailbox. In The Hague where you were unjustly detained. After traversing the globe including the North Pole, I arrived safely fueled by unwavering tradition that your defense team would secure your freedom. We hold unto hope that their tireless efforts will bring you back home soon,” saad ni Ochiro.
Isang OFW din sa Hawaii na mula Tacloban ang nagbahagi ng kanyang karanasan sa panahon ng panunungkulan ni FPRRD.
Aniya, si Tatay Digong ang kauna-unahang tumulong sa kanila matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda.
“Ang masasabi ko lang si Tatay Digong is the best. Siya ang kauna-unahang tumulong sa amin sa Tacloban noong na Yolanda kami. Si Tatay Digong ang kauna-unahang nagdala ng kanyang mga ayuda at mga doctors,” ani Nikita Abore Shafen, DDS Supporter from Honolulu, from Tacloban.
Samantala, nagbigay din ng talumpati ang kilalang political vlogger at SMNI anchor na si Coach Oli ng Banateros.
Sinabi niyang binuhay ng aktibidad ang alaala ng pagkakaisa ng mga OFWs sa Hong Kong sa likod ng pagkakakulong ni FPRRD.
“Alam niyo noong kami ay nasa Hong Kong, kasama namin doon si Tatay Digong. Kumaway lang siya sa bintana. Dahil hindi lahat makapasok. Yung mga Pilipino nagsigawan, dahil mahal na mahal ng mga Pilipino si Tatay Digong,” saad ni Coach Oli.
Binigyang-diin nito ang solidong pagboto sa sampung tumatakbong senador ng PDP-Laban na inendorso ni Pangulong Duterte.
“Paano natin lalabanan? Tambakan natin. Huwag ninyong kalimutan na may mga kaibigan tayo sa Pilipinas, yung kapitbahay niyo sa Pilipinas, kaklase niyo sa Pilipinas, yung katrabaho niyo sa Pilipinas, ikampanya natin itong sampu,” wika ni Coach Oli.
Ipinaabot din ni Coach Oli ang kanyang paninindigan para sa KOJC at kay Pastor Apollo Quiboloy.
“Ako po ay hindi taga KOJC. Pero ito ay hindi usaping rehiyon. Binaboy nila ang rehiyon ng KOJC, si Pastor Quiboloy. Hindi pa influencial si Tatay Digong, kaibigan niya na. At hanggang ngayon, kung bakit nakakulong si Pastor Quiboloy, dahil hindi niya iniwan ang Tatay Digong natin,” dagdag nito.
Samantala, nagtapos ang nasabing aktibidad sa isang candle lighting ceremony bilang simbolo ng pagkakaisa at pananalangin para sa ligtas na pagbabalik ni dating Pangulong Duterte sa Pilipinas at sa mas maayos na kinabukasan ng bansang Pilipinas sa kabila ng hamon na kinakaharap nito ngayon.
Follow SMNI News on Rumble