VANCOUVER, CANADA – Nais nang makabalik sa Pilipinas ang mga pamilya ng ilang Pilipinong nasawi sa Lapu-Lapu Day tragedy sa Vancouver, Canada, ayon sa pahayag ng Philippine Consulate General nitong Mayo 1, 2025.
Ayon kay Consul General Gina Jamoralin, may ilang kaanak na ang nagpahayag ng kagustuhang umuwi, ngunit kailangan pa munang magsumite ang mga ito ng kaukulang mga dokumento at form upang maisaayos ang kanilang repatriation.
“Nakausap na natin ang ilang pamilya. Patuloy ang ating assistance at coordination, pero kailangan nating dumaan sa tamang proseso,” ani Jamoralin.
Sa ngayon, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa Vancouver Police Department hinggil sa nasyonalidad ng mga nasawi. Ang tanging malinaw ayon sa pulisya ay labing-isa (11) ang nasawi sa insidente: walo ang kababaihan, dalawa ang kalalakihan, at isa ay isang batang babae na limang taong gulang.
Sa mga nasugatan, pito ang nasa kritikal na kondisyon habang tatlo ang may seryosong pinsala.
Ang insidente ay nangyari sa Lapu-Lapu Day Block Party noong Sabado, Abril 26, isang taunang pagtitipon para ipagdiwang ang kulturang Pilipino sa Vancouver. Ang masaya sanang selebrasyon ay nauwi sa trahedya matapos salpukin ng isang rumaragasang SUV ang mga dumalo sa kalsada.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibleng motibo o dahilan ng insidente, habang nagpapatuloy ang panawagan ng hustisya mula sa komunidad.