SUMAMPA na sa 1,300 katao ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa bigong sumunod sa ipinatutupad na gun ban ngayong election period.
Batay sa pinakahuling tala ng National Election Monitoring Action Center (NEMAC), nananatili ang Metro Manila sa may pinakamaraming gun ban violators matapos maitala rito ang 401 na paglabag, sumunod naman dito ang Central Luzon na may 200 na kaso at Central Visayas na may 180.
Habang nangunguna pa rin mula sa nasabing bilang ay ang mga sibilyan na umabot sa 1,239 na sinundan ng mga security guard, foreign nationals, miyembro ng Philippine National Police (PNP), militar at iba pang law enforcement agencies.
Karamihan sa mga arestado ay mula sa pinaigting na Police Operations, Anti-illegal Drugs operations, police at Commission on Elections (COMELEC) checkpoints at gun buy-bust operations.
Sa kabuuan, umakyat na rin sa 1,298 ang mga armas na nasamsam ng mga awtoridad simula noong ipinatupad ang election gun ban sa buong bansa.
Magpapatuloy ang bisa ng gun ban hanggang sa Hunyo 11, kaya naman payo ng COMELEC at mga awtoridad, maging mapagmatyag at masuri para maiwasan ang anumang gulo o karahasan hanggang sa araw ng botohan sa Mayo.