TINIYAK ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi mapapabayaan ang mga naapektuhang estudyante mula sa nagsarang Colegio de San Lorenzo sa Quezon City.
Ito’y matapos lumagda ng memorandum of agreement ang CHED at ilang mga pribadong unibersidad at kolehiyo sa Metro Manila.
Layunin ng kasunduan ay upang tanggapin ang mga estudyanteng nawalan ng mapapasukang eskwelahan dahil sa pagsasara ng naturang paaralan kamakailan.
Ayon kay CHED Chairman J. Prospero de Vera III, nasa halos 10 mga unibersidad ang nagpahayag na tumulong sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga displaced student.
Kabilang dito ang St. Joseph’s College, Our Lady of Fatima University, College of St. Catherine Quezon City, NBS College, Villagers Montessori College, WCC-Aeronautical and Technological College North Manila, Siena College, Inc., Quezon City, AMA University at STI College Fairview.
Ani De Vera, hakbang ito ng CHED dahil na rin sa panawagan ng mga apektadong estudyante partikular na ang mga graduating students ng nasabing paaralan.
“I instructed our executive director to meet with the private universities and public universities that are willing to accept the students almost 700 of them,” pahayag ni De Vera.
“Thank you all personally for agreeing to accommodate our students in special way by agreeing the contents of the MOA. So mula sa puso namin maraming, maraming salamat po,” ayon naman kay Prof. Mary Claire Balgan, President ng Colegio de San Lorenzo.
Dagdag ni Chairman Popoy, nakapaloob sa MOA ang pag-waive ng ilang probisyon ng Manual of Regulations for Private Higher Education upang mas mapadali ang admission ng mga transferee student.
Sinabi pa nito, magdedepende sa administrative discretion ng mga pibadong unibersidaad kung paano nila bibigyan ng konsiderasyon ang mga displaced student.
Nabatid, nasa higit 600 displaced students ay mayroon sa Colegio de San Lorenzo kung saan higit 300 naman dito ang nakalipat na ng ibang paaralan.
Samantala, pumayag naman ang mga nabanggit na mga kolehiyo at unibersidad sa flexible set-up partikular na ang mga nakatakdang magsipagtapos ngayong school year 2022.