NAGPAHAYAG din ng kaniyang pagkadismaya ang political strategist na si Malou Tiquia tulad ng libu-libong residente sa Metro Manila na naapektuhan ng pagbaha nitong nakaraang araw dahil sa hanging Habagat at Bagyong Carina.
Aniya, ang inaasahan nito ay gaganda ang sitwasyon sa National Capital Region (NCR) at karatig-probinsiya dahil sa bilyun-bilyong pisong pondo na inilalaan para sa flood control projects kada taon.
Tanong tuloy nito, nasaan na ba ang ipinagmamalaki ni Pangulong Bongbong Marcos sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address hinggil sa libu-libong flood control projects.
Sa isang panayam naman kay PBBM, sinisi nito ang pagkakabangga ng barko sa isang flood control project kung kaya’t nalubog sa tubig-baha ang maraming lugar sa Metro Manila.
Kaugnay rito, iminungkahi ni Tiquia na papanagutin ang mga namumuno sa Metro Manila kabilang na ang MMDA sa tuwing may ganitong katindi na pagbaha.