MMDA, Caloocan LGU nilinis ang Maligaya Creek na napuno ng basura

MMDA, Caloocan LGU nilinis ang Maligaya Creek na napuno ng basura

AAKALIN mong walang tubig ang Maligaya Creek sa Caloocan City.

Dahil sa sobrang dami ng basurang nakaimbak dito, halos hindi na ito matukoy na isang daluyan ng tubig.

Kaya naman ikinasa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Caloocan City Government ang malawakang paglilinis sa nasabing creek nitong Miyerkules.

Ayon kay MMDA General Manager Procopio Lipana, bahagi ito ng programang “Bayanihan sa Estero” na may layuning tanggalin ang mga nakaharang na basura sa mga estero at kanal sa buong Metro Manila upang maiwasan ang pagbaha.

“Alam naman natin maliit ‘yung creek. Kapag hindi natin na-maintain ‘yung paglilinis at mapuno ng basura, so mababarahan ‘yung tubig kapag may pagbaha. So magiging sanhi ng malaking pagbaha. So, kung malilinis agad natin ito kung babaha man, at least malaking tulong sa malaking pagbaha nito,” saad ni Usec. Procopio Lipana, General Manager, MMDA.

Ayon sa ulat ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office, hindi bababa sa 24 dump trucks o katumbas ng 48 tonelada ng basura ang nakolekta mula sa creek simula pa noong weekend hanggang nitong Miyerkules.

Karamihan sa mga nakuhang basura ay mga plastic bottle, food wrappers, at iba’t ibang uri ng basurang basta na lamang itinapon sa daluyan ng tubig.

Nagpaalala naman ang MMDA sa publiko na itapon nang maayos ang basura upang maiwasan ang matinding pagbaha ngayong tag-ulan.

“Sapagkat hanggang nagtatapon sila, may lilinisin tayo. So dapat walang magtapon para walang lilinisin. At sa ganoon ay mabuhay ang ating waterways,” dagdag ni Lipana.

Samantala, tiniyak ng MMDA na 100% operational ang 71 pumping stations ng ahensiya sa Metro Manila.

Ayon sa tala, mayroong 273 creeks sa buong National Capital Region na may kabuuang habang 570 kilometro, na patuloy na binabantayan at nililinis sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble