MMDA inilabas ang Top 20 traffic violations sa Metro Manila

MMDA inilabas ang Top 20 traffic violations sa Metro Manila

DISIPLINA o multa? Sa bawat kanto ng kalsada, may kuwento ng pagmamadali, paglabag, at minsan—sakuna.

Kaya naman para mas mapalakas ang kampanya sa kaligtasan at kaayusan sa mga lansangan ng Metro Manila, inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang listahan ng Top 20 Traffic Violations at ang kaukulang multa para sa bawat paglabag, base sa datos ng Traffic Ticket Management Division mula Enero hanggang Abril ngayong taon.

Kabilang sa mga pinakakaraniwang paglabag ay ang illegal turning, disregarding traffic signs, unattended illegal parking, at loading/unloading sa mga ipinagbabawal na lugar, na may katumbas na multa mula ₱150 hanggang ₱2,000 depende sa bigat at ulit ng paglabag.

Ang hindi paggamit ng seatbelt ay may multang ₱1,000 sa unang offense, ngunit umaabot sa ₱5,000 at isang linggong suspensiyon sa ikatlong offense.

Ilan pa sa mga seryosong paglabag ay ang no crash helmet, na may multang nagsisimula sa ₱1,500 at umaabot sa ₱10,000 sa ikaapat na offense, kalakip ang kumpiskasyon ng helmet, at reckless driving, na may multang ₱1,000 hanggang ₱2,000 at kinakailangang sumailalim sa seminar.

Para sa mga driver ng trak, ang paglabag sa truck lane regulations ay may multang ₱2,000 sa bawat offense, habang ang storage fee ng mga impounded vehicles ay ₱80 kada araw.

Ayon sa MMDA, ang listahang ito ay bahagi ng kanilang patuloy na pagsusumikap na mahikayat ang publiko na pairalin ang disiplina sa kalsada. Ang pagsunod sa batas-trapiko ay hindi lamang para iwas-multa, kundi para din sa kaligtasan ng lahat—may nakatingin man o wala, paalala ng ahensiya.

Hinihikayat ang lahat ng motorista na maging maalam sa daan. Sa simpleng pagsunod sa batas trapiko, malaki ang maiaambag nito sa mas ligtas at maayos na daloy ng trapiko sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble