IPINANAWAGAN ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na magbitiw na sa puwesto ang mga opisyal ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Kasunod ito ng pagpayag ng MTRCB na magkaroon ng screening ang pelikulang “Barbie” ng Warner Bros sa Pilipinas.
Sinabi ni Rodriguez na mapapahiya lang ang Marcos administration dahil sa pelikula lalo na’t nahaharap ang “Barbie” sa kontrobersiya hinggil sa mistulang pagpapakita nito ng 9-dash line map ng China.
Ang 9-dash line ay set ng u-shaped line segments na inilathala sa mapa ng China bilang territorial claim nito sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Dahil dito ay banned na ang “Barbie” film sa bansang Vietnam.
Batay sa paliwanag ng MTRCB, ang umano’y 9-dash line sa pelikula ay isa lang simpleng mapa na tinahak ni Barbie mula sa Barbie Land papunta sa real world na bahagi ng kuwento.
Kinumpirma na rin aniya ito ng mga legal expert sa West Philippine Sea at ng mga kinatawan mula sa Department of Foreign Affairs at ng solicitor general.