INIHAYAG ni Atty. Ferdinand Topacio na iaapela nito sa tanggapan ng Ombudsman na muling buksan ang imbestigasyon sa Mamasapano Massacre.
Sa Kapihan Manila Bay Forum, inihayag ni Atty. Topacio na iaapela nito sa Ombudsman na muling buksan ang imbestigasyon sa Mamasapano Massacre na naging dahilan ng pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police Special Actions Force (PNP SAF).
Ayon kay Atty. Topacio, partikular niyang gustong muling mapaimbestigahan dito ay sina former PNP Chief Allan Purisima at former PNP SAF Director Getulio Napeñas.
Ayon kay Topacio, mayroon silang mga bagong ebidensya laban sa mga ito base sa affidavit ni dating PNP Deputy Chief of Operations Major General Benjamin Magalong noong 2019.
Sinabi naman ni Topacio na wala nang dahilan pa para muling imbestigahan si former President Noynoy Aquino dahil patay na ito.
Matatandaan na January 2015 nang maganap ang shoot out sa Mamasapano habang ginagawa ng PNP at SAF ang isang operasyon na tinawag na ‘Oplan Oxodus’.
Layunin sana ng operasyon na mahuli ang Malaysian terrorist at bombmaker na si Zulkifli Abdhir o kilala rin sa pangalang Marwan at ibang high ranking terrorist ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Topacio, naimbestigahan noon sa Ombudsman sa ilalim ni Ombusman Conchita Morales si PNoy, pero maling kaso ang inihain nito.
Mamasapano Movie ipalalabas sa MMFF sa Disyembre 25
Samantala, inanunsyo naman ni Topacio na kasama sa mga mapapanood sa Metro Manila Film Fest (MMFF) sa Disyembre 25 ay ang pelikulang “Mamasapano: Now It Can Be Told”.
Si Topacio ang mismong producer ng naturang pelikula.
Ginawa ang pelikula para kilalanin ang kabayanihan ng SAF 44.
Gagampanan ni Edu Manzano ang role bilang si dating PNP Deputy Chief of Operations Major General Benjamin Magalong.
Pinagbasehan ng istorya sa pelikula ay ang ginawang imbestigasyon ng Senado, Board of Inquiry, PNP report at mga panayam sa mga taong may kaugnayan sa nangyari.