MWSS hindi nakikitang magkakaroon ng water shortage hanggang katapusan ng 2025

MWSS hindi nakikitang magkakaroon ng water shortage hanggang katapusan ng 2025

KARANIWANG tumataas ang tinatawag na water demand o paggamit ng tubig tuwing summer o sa mga buwan ng Marso hanggang Mayo.

Maliban dito, humihina rin ang pag-ulan sa mga watershed na siyang pinagkukunan ng tubig sa mga dam. Ito ang ibinahagi ni MWSS Acting Deputy Administrator Engr. Patrick James Dizon.

Sa kabila nito, kumpiyansa si Dizon na hindi magkakaroon ng kakapusan sa suplay ng tubig hanggang sa katapusan ng 2025.

Ito’y sa harap din aniya ng mga pangambang magkakaroon ng water shortage bunsod ng matinding init ng panahon na nagsimula nang maranasan ngayon.

Paliwanag ng opisyal, dahil na rin sa epekto ng masamang panahon tulad ng shear line at amihan nitong mga nakaraang buwan, ay nakapag-ipon ng tubig sa mga dam.

Kaya naman, pagtitiyak ng MWSS, hindi makararanas ang bansa ng anumang kakulangan sa tubig hindi lamang sa summer kundi hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.

“Napaabot po natin sa atin pong tina-target po natin na elevation ng tubig sa ating reservoir sa katapusan po ng 2024, para hindi po tayo magkaroon po ng water shortage hindi lamang nitong summer,” saad ni Engr. Patrick James Dizon
Acting Deputy Administrator, Metropolitan Waterworks and Sewerage System.

Samantala, inihayag ni Engr. Dizon na mayroong itinayong dagdag na water sources projects tulad ng Wawa Dam sa Rizal, na nagsusuplay ng 518 milyong litro ng tubig kada araw.

Kasama na rin ang tinatayong proyekto sa Kaliwa Dam.

“Sa ngayon ay ang ginagawa po natin ay pinapababa po natin iyong atin pong dependency sa ating Angat Dam. Ito po ay sa pamamagitan ng pag-construct po natin noong mga tinatawag po nating additional water sources outside of the Angat Dam,” ani Dizon.
Bukod rito, katulong din ng MWSS ang mga konsesyonaryo – ang Maynilad at Manila Water – na nagpapatayo ng mga modular o maliliit na water treatment plants sa bahagi ng Cavite at Rizal.

Isinasagawa rin ang rehabilitasyon ng mga deep well para mai-operate sakaling kinakailangan ng karagdagang suplay ng tubig sa summer season.

“Itong mga new water sources projects po na ito ay hindi po naman po instant iyong paggawa ‘no, kaya hindi rin naman po tayo nagri-relax ‘no, sa mga construction work activities po natin na ito para mapabalik din po natin iyong pag-operate po nito during this summer season,” aniya.

Nagpaalala naman ang MWSS sa publiko na ugaliing maging wais sa paggamit ng tubig at dapat laging suriin ang mga linya ng tubig sa bahay.

Kapag may nakikitang mga tagas sa mga daan, hinimok ang publiko na i-report agad sa MWSS, Maynilad, at Manila Water para mapuntahan at maisaayos kaagad.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble