Nagbebenta ng vape products na hindi dumaan sa DTI, huhulihin simula Setyembre

Nagbebenta ng vape products na hindi dumaan sa DTI, huhulihin simula Setyembre

PATULOY ang pagmo-monitor ng Department of Trade and Industry (DTI) sa physical at online stores ng mga vape product.

Sa isang public briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Atty. Amanda Nograles, assistant secretary ng Consumer Protection Group ng DTI na naglabas kamakailan lamang ng department administrative order ang ahensiya na sakop ang mga technical regulation.

Maliban sa panghuhuli sa pag-market at pagbibenta sa mga menor de edad ng vape products, huhulihin na rin ang mga nagtitinda ng vape products na hindi dumaan sa DTI para sa pagpaparehistro.

Sisimulang ipatupad ito sa buwan ng Setyembre ngayong taon.

Ang mga produktong vape na nakatago sa merkado na hindi nagtataglay ng wastong certification marks ay kukumpiskahin.

Kaya, ani Nograles, dapat ngayon nagsisimula nang mag-register ang mga manufacturer at importer ng vape dahil hindi na sila makapapasok pagkatapos ng Setyembre.

“Ngayon po hindi na po makakapasok ang mga produktong vape na wala pong ICC application or wala pong PS license iyong manufacturer. And then mayroon po tayong panahon hanggang September 2024, iyong mga nakapasok po dito sa ating market, iyong mga inventory na luma na – iyan po ay kailangan inuubos na po iyan kasi pagdating po ng September 2024 kailangan po lahat po talaga either may PS mark or ICC sticker,” wika ni Asec. Amanda Nograles, Consumer Protection Group, DTI

Ibinahagi naman ng opisyal ang penalty o parusa sa mga ilegal na nagbibenta ng vape products.

Sa first offense, P100,000 ang penalty at posible rin ang pagkakakulong.

“Depende po iyan kung ma-file-an po tayo ng case sa prosecutor’s office – pero iyon po, first offense 100,000; second offense po pataas nang pataas po iyong administrative penalty and mayroon po siyang kaakibat na imprisonment depende na lang po kung ma-file-an tayo ng case sa prosecutor’s office,” saad ni Asec. Amanda Nograles, Consumer Protection Group, DTI.

Kung matatandaan, mayroong case study na ginawa ang mga doktor ng Philippine General Hospital (PGH) tungkol sa batang nasawi dahil sa paggamit ng vape.

Ayon sa mga health expert, ang batang ito ay walang history ng paninigarilyo o pag-inom ng alak o paggamit ng ilegal na droga. At hindi kailan man infected ng COVID-19.

“This is one is 22-year old male, healthy, sporty, walang bisyo, non-smoker. Pumunta sa PGH kasi sumisikip ang dibdib tapos may ubo. ‘Pagkita sa lungs niya, puti, ‘yun ‘yung tinatawag natin na white out lung. In layman’s term puwede nating sabihing parang nabura ‘yung clear lungs niya kasi binara ng vape chemicals na naka-induce ng pamamaga at ‘yung tinatawag na inflammation. Ngayon, ‘yun ding vape na ‘yun ang naging naka-cause para maging barado ang mga ugat sa kanyang heart. Kaya nagkaroon ng parang heart attack, tinatawag nating myocardial infarction, so double whammy,” ayon kay Dr. Rizalina Gonzales, Chairman, Philippine Pediatric Society.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble