SABAY na dumating ang unang dalawang kandidato para sa pagiging kongresista: si Vice Mayor Monique Yazmin Maria Quirino Lagdameo, na babalik sa Kongreso para sa 1st District ng Makati, at si Councilor Dennis Borja Almario para sa 2nd District ng parehong lungsod.
Sinundan sila ni City Councilor Joel Tagle Villanueva, na naghain bilang miyembro ng House of Representatives para sa 4th District ng Maynila.
Naniniwala ang konsehal na kwalipikado siya para sa posisyon.
Si Virgilio Reyes Garcia ang ikaapat na naghain para sa pagiging kongresista araw ng Huwebes, para sa 2nd District ng Quezon City.
Tatlong beses na siyang tumakbo bilang independent, ngunit hindi pa rin siya nanalo.
Sa kabila nito, hindi pa rin siya sumusuko at laban pa rin siya sa political dynasty.
“So ang aking gagawin number one is I will push for the definition of political dynasty para ‘yung pagbabawal ay maipatupad,” ayon kay Virgilio Reyes Garcia, Aspirant Representative, 2nd Dist. QC.
Isa ring independent candidate si Francisco Rivera Palma, na tatakbo para sa 2nd District ng Quezon City.
Si Palma ay dating Sergeant Major ng Presidential Security Group (PSG) noong panahon ng Duterte administration.
“Former Sergeant Major ako ng Presidential Guard sa PSG sa panahon ni President Duterte, then 2022 sinabayan ko na ang pagreretiro ko sa pagtatapos ng termino ni President Duterte,” saad ni Francisco Rivera Palma, Aspirant Representative, 2nd Dist. Quezon City.
Kasama ang kaniyang pamilya, naghain din sa pagiging kongresista si Former Mayor Lino Cayetano para sa unang Distrito ng Taguig.
“Excited po ako na muling makapagsilbi sa lungsod ng Taguig na ngayon ay Taguig-Pateros, excited po ako na tulungan ang mga kababayan ko para sa bagong solusyon,” ayon kay Lino Cayetano, Aspirant Representative, 1st Dist. Taguig.
Sa gusali kung saan isinagawa ang COC filing sa San Juan, naabutan ni dating Manila City Mayor Isko Moreno si Cayetano na dumating para suportahan ang paghahain ni reelectionist Ernesto Jr. Mijares Dionisio para sa 1st District ng Maynila.
Nang tanungin ng mga media kung ano ang mensahe ng dating alkalde kay Mayor Honey Lacuna, ito ang kaniyang sagot:
“Hayaan ko na lang ang taong bayan sa Maynila ang sumagot,” pahayag ni Isko Moreno, Former Mayor, Manila City
Naghain din ang dalawang independent candidates para sa posisyon sa Kongreso: sina Roel Cuyos Bernido para sa 2nd District ng Quezon City at Rolando Mendoza Aguilar para sa 2nd District ng Paranaque.
Si Atty. Luisito Diez Resoble, na naghain para sa Lone District ng Las Piñas, ang ika-10 at huling naghain para sa Day 3 ng COC filing para sa pagiging kongresista.
Siya ang makakalaban ni Sen. Cynthia Villar sa posisyon.
Samantala, ayon kay Atty. Jovencio G. Balanquit, Assistant Regional Election Director ng COMELEC para sa National Capital Region, maayos ang paghahain ng COC sa ikatlong araw para sa mga miyembro ng House of Representatives.
“Ngayon walang ganun, in fact mayroon nga dito na mga nag-file na bumalik na lang, ibig sabihin maayos na ngayon dahil mayroon na nakita in the first and second day na nako-correct nila agad,” wika ni Atty. Jovencio G. Balanquit, Assistant Regional Election Director, COMELEC.