Napagtagumpayan ng OVP sa nagdaang taon, ibinahagi ni VP Sara

Napagtagumpayan ng OVP sa nagdaang taon, ibinahagi ni VP Sara

SA ‘Pasidungog’ ng Office of the Vice President (OVP) na ginanap sa Cebu City nitong Sabado, nagbigay ulat si Vice President Sara Duterte ukol sa mga naipatupad na proyekto at programa ng kaniyang tanggapan.

Sa nagdaang isang taon, mahigit 119,000 na mga Pilipino ang nakinabang sa Medical Assistance Program ng OVP o katumbas ng mahigit P1.057-B na naipamahaging assistance.

Umabot naman sa mahigit P150-M ang naibigay na burial assistance ng OVP para sa mahigit 30,000 na pamilya.

Sa disaster response ng ahensiya, umabot sa mahigit 39,000 na relief bags ang kanilang naipamahagi sa mga biktima ng mga nagdaang sakuna o katumbas ng mahigit P37.017-M.

Nasa 15,000 food bags na rin ang naipamahagi ng Disaster Operations Center ng OVP o may katumbas ng P6.1-M.

As of April 2024, umabot na sa 12 civil society organization na may kabuuang 26,000 na miyembro ang natulungan ng programang Mag-Negosyo Ta ‘Day kung saan bawat organisasyon ay nakatanggap ng P150,000 para sa kanilang livelihood projects.

Sa libreng sakay naman ng OVP sa Metro Manila, Bacolod, Cebu, at Davao ay nasa mahigit 735,000 na mga indibidwal ang nakabenepisyo sa nasabing programa.

Para sa Rice Program, higit 22,000 na food bags ang naibigay ng tanggapan ni Vice President Duterte.

Sa ilalim ng PagbaBAGo campaign ng OVP, nasa higit 186,000 na bags na may lamang school supplies at dental kits ag naibigay sa mga estudyante habang higit 266,000 puno naman ang kanilang naitanim sa nagdaang taon.

Higit 14,000 na mga malnourished na estudyante naman ang nakabenepisyo sa programang Pansarap Buns ng OVP o katumbas ng higit 1.182 milyon na naipamahaging fortified buns sa layong magbigay ng sapat na nutrisyon sa mga benepisyaryo.

Ilang estudyante rin ang mapalad na naisama ni Vice President Duterte sa kaniyang mga foreign trip sa ilalim ng programang “You can Be VP.”

Mga naging katuwang ng OVP sa pagpapalawak ng kanilang mga programa at proyekto, kinilala sa ‘Pasidungog’

Matapos ang naging ulat ng pangalawang pangulo ay kinilala naman ng OVP ang mga indibidwal, organisasyon, at mga ahensiya ng gobyerno na tumulong para sa mas maayos at malawak na pagpapatupad ng kanilang mga programa at proyekto.

“Sila ‘yung katulong natin sa paghahanap ng mga tao na nangangailangan ng tulong ng gobyerno. Kung hindi dahil sa mga partnerships na ito, hindi natin mapupuntahan ‘yung mga lugar na underserved communities natin. Mahalaga na pantay-pantay at lahat ay inklusibo ang ating mga proyekto sa Office of the Vice President,” mensahe ni Vice President Sara Duterte, Republic of the Philippines.

Ayon kay Vice President Duterte, mas marami pang Pilipino ang nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno kaya ito ang naging paalala niya sa mga naging katuwang ng OVP.

“Isipin natin how do we move forward kung nasaan tayo ngayon at paano pa tayo mas makakatulong sa ating mga komunidad, sa ating mga kababayan and of course paano nating magawang maging stable, strong ang ating bansa,” dagdag ni VP Duterte.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter