PATULOY ang pagsuporta ng local government unit (LGU) sa mga natitirang magsasaka sa siyudad ng San Fernando, Pampanga.
Sa panayam ng SMNI News kay Mayor Vilma Caluag, nasa 5% na lang ang agricultural land sa siyudad at nasa 500 na lang ang natitirang magsasaka sa San Fernando.
Subalit, kahit kakaunti na lamang aniya ang natitirang agricultural land ay patuloy nilang susuportahan ang mga magsasaka upang makatulong kahit papaano sa Department of Agriculture (DA).
Nilinaw naman ng DA na hindi pa mararanasan ang El Niño sa rehiyon.
Ayon kay Noli Sambo, OIC-Chief, Planning, Monitoring & Evaluation Division ng DA, nakahanda rin ang ahensiya na magbigay ng tulong para sa mga magsasaka upang maibsan ang epekto ng El Niño sa mga pananim.
Sa ngayon ay mararanasan pa ang El Niño sa rehiyon sa buwan ng Oktubre.
Ang Gitnang Luzon ang pangunahing distributor ng bigas at gulay sa mga karatig nitong rehiyon lalo na sa National Capital Region (NCR) kaya marami itong programa para suportahan ang produksiyon ng mga magsasaka.
Aniya, huwag mag-alala dahil suportado at handang tumugon ang DA sa mga magsasaka at nananawagan na magtulungan lalo na sa oras na mararanasan na ang El Niño sa rehiyon.