BINATIKOS ng mga netizen ang Facebook post ng Presidential Communications Office (PCO) tungkol sa gaganaping MusiKalayaan sa darating na Hunyo 10.
Sabi ng isang netizen na kung ganito na ba kamanhid ang gobyerno at puro na lang pa-concert sa gitna ng kagutuman, kakulangan ng trabaho, at mataas na inflation.
Iginiit pa ng isa na magaling lang ang gobyerno sa pa-concert at pa-party pero hindi matutukan ang kahirapan.
Biro pa nga ng isa pang netizen na concert ang sagot ng pamahalaan sa mataas na inflation.
Kahit ang dating opisyal ng Palasyo na si Atty. Harry Roque ay napansin ang madalas na pagdaraos ng mga mararangyang fashion show ng Malacañang.
Kaya ito na lang ang naging pabirong hirit ni Atty. Roque sa taumbayan.
“Choosy kayo at demanding. Kaya kayo hindi maligaya kasi dami niyong reklamo,” pahayag ni Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesperson.
“Enjoy tayo mga kaibigan. Huwag na kayong magdusa. Eh kung umaalma nga ang sikmura niyo, eh malungkot pa kayo, bugnutin pa kayo, eh wala nang mangyayari sa inyo diyan. Isipin niyo na lang kung paano kasarap ang buhay nila na halos linggo-linggo nagbibiyahe. Araw-araw nagpaparty at nagfi-fireworks sa Malacañang. Oh, di ba ang sarap nun!” ayon pa kay Roque.
Inflation nitong Mayo 2024, bumilis sa 3.9%
Kaugnay sa patuloy na iniinda ng mga Pilipino, mas bumilis nga sa 3.9 percent ang inflation o antas ng pagmahal ng presyo ng bilihin at serbisyo nitong Mayo mula sa 3.8 percent noong Abril, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Pasok iyan sa forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas mula 3.7 hanggang 4.5 percent.
Mabagal na pagbaba ng presyo ng kuryente, pangunahing dahilan ng pagbilis ng May 2024 inflation
Isa sa pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation nitong Mayo ay ang mas mabagal na pagbaba ng presyo ng kuryente.
Sa monitoring ng PSA, tumaas ng higit P20 nitong Mayo ang average price ng kuryente sa kada 120 kWh na konsumo.
“If you have higher demand compared to supply that would trigger some adjustments in the prices upward,” saad ni Usec. Claire Dennis Mapa, National Statistician.
Pagdating naman sa antas ng overall inflation nitong Mayo, nangunguna pa rin ang pagkain sa mga commodity group na may malaking ambag partikular na ang bigas, karne ng baboy, at luya.
Rice inflation, bahagyang bumagal nitong May 2024
Pero sabi ng PSA, bahagyang bumagal ang rice inflation nitong Mayo kumpara noong Abril.
Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, bahagyang bumaba ang retail price ng bigas nitong Mayo kumpara noong Abril dahil sa pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
“Continously bumababa siya. I’m looking at the average world price. Ito ‘yung average ng Thailand at Vietnam,” dagdag ni Mapa.
“In terms of world prices, it is going down so that’s why we’re seeing also a slight decreases in the retail price of rice in the country,” ayon pa kay Mapa.
Pero kung ibabatay sa year-on-year comparison, mas mataas pa rin ang presyo ng bigas nitong Mayo ng 2024 kumpara sa kaparehong buwan ng 2023 partikular na sa well-milled at espesyal na klase ng bigas.
Pero sabi ng PSA na inaasahan na bababa ang presyo ng bigas sa mga darating na panahon dahil sa hakbang ng gobyerno na ibaba sa 15% ang taripa sa imported rice.
Pero pinalagyan iyan ng iba’t ibang agricultural group dahil anila papatayin nito ang sektor ng agrikuktura.