NFA, aminadong hindi sapat ang bigas na kayang ibigay sa Kadiwa Centers kada buwan

NFA, aminadong hindi sapat ang bigas na kayang ibigay sa Kadiwa Centers kada buwan

HINDI na itinanggi pa ng NFA at inaming nasa 10,000 metriko tonelada lang ng bigas ang kaya nilang i-supply sa ilang Kadiwa Center para sa programang bigas 29 ng gobyerno.

Isang beses lang nakabili ng P29/kg na bigas sa Kadiwa Center sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA) si Nenita Doquitom.

Kuwento niya, pinagbawalan na siyang makabili pa ng dagdag dahil hindi siya kwalipikado o pasok sa vulnerable sectors na prayoridad na makabili ng tig-P29 na bigas.

Giit niya, hirap din siya sa buhay kaya’t dapat lang na makabili rin siya ng murang bigas na alok ng Kadiwa.

“Dapat pantay-pantay, hindi lang ‘yung single parent o 4Ps kasi lahat naman kumakain. Para makabili ng murang bigas. Sobrang hirap talaga lalo na kapag arawan ka lang,” giit ni Nenita Doquitom, mamimili.

8:00 am, Biyernes ay ubos na ang bentang murang bigas sa Kadiwa sa Bureau of Animal Industry.

Paliwanag ng ilang kawani ng DA, nasa 166 bags lang kasi ng tig-3 kilong bigas ang suplay nila para sa araw na ito.

Mas naghigpit na rin anila sila ngayon dahil hindi na maaaring pabalik-balik sa pila ang mga nakakuha na ng 3 kilong bigas.

Kailangan magpakita ng authorization letter ang sinumang indibidwal na may hawak ng 2 identification cards ng magka-ibang tao.

Inamin naman ng National Food Authority (NFA) na halos 10,000 metriko tonelada o higit 140,000 bags lang ang kaya nilang ibigay para sa gagawing nationwide roll out ng bigas 29 sa Hulyo.

“Sapat ba ‘yung stocks natin para sa mga kababayan natin? Hindi, actually initial lang naman ‘yun eh. The DA will source ng bigas, mag-source sila ng bigas para ma-sustain ito,” ayon kay Larry Lacson, Administrator, NFA.

Ibig sabihin, kailangan pang makahanap ng iba pang mapagkukuhanan na suplay para sa pagbebenta nila ng bigas.

Malayo kasi ito sa 60,000 metric tons na bigas na kailangan maibigay sa mga Kadiwa Center kada buwan.

“In face kasi ‘yan eh, una 10 Kadiwa lang, sa susunod na buwan magiging 20 tapos dadami. Then hindi si NFA ang magsu-suplay na kabuuang ‘yun,” ani Lacson.

Ang suplay ng bigas na ibinebenta sa Kadiwa ay ang mga pinaglumaang stocks ng NFA.

Maaari umano itong kainin pa ng tao, pero hindi lang nila matiyak kung ito ay naninilaw dahil wala silang color sorting machine.

Sinabi naman ni DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, may guidelines na para sa bigas 29 na nakatakda nilang ilabas sa susunod na linggo.

Posible aniyang madagdagan ang Kadiwa Center na nagbebenta ng palumang bigas.

Target na rin umano nilang maabutan ang 30 porsiyentong vulnerable sector o 6.9 milyong pamilya hanggang sa katapusan ng taon.

“Magkakaroon ng availability doon sa mga vulnerable sector. Tuluy-tuloy hanggang end of the year,” ayon naman kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble