IBINAHAGI ng National Irrigation Administration (NIA) Region 1 ang plano nitong maabot ang 97 porsiyentong irigasyon sa mahigit 280,000 ektaryang sakahan sa Region 1 sa loob ng limang taon bilang kaisa sa hangarin ng Marcos administration na magkaroon ng 97% rice sufficiency ang bansa.
Ayon kay Engr. Gaudencio De Vera, NIA-Region 1 Manager, nasa 287,000 ektarya ang sakahan sa Region 1 kung saan 75 porsiyento rito ang mayroon nang irigasyon.
Kaya naman aniya, tututukan ng kanilang ahensiya ang paglagay ng sistema ng irigasyon sa natitirang 25% porsiyento.
“As of now out of…dito sa Region 1 po, out of 287,000 hectares, 75% lang po ‘yung may irrigation. Meron pa tayong 25% for new irrigation system. So ‘yun po yung pagtutuunan natin ng pansin for the next five years kung paano natin ma-improve,” ayon kay Engr. Gaudencio de Vera, NIA-Region 1 Manager.
Kabilang din sa programa ng NIA-Region 1 ang pag-empower sa mga irrigators sa pamamagitan ng pagbuo ng asosasyon upang mas mapangalagaan ang mga irigasyon sa mga lugar sa rehiyon.
“Sa aming pananaw, kahit gagawa tayo ng irrigation system, hindi mababantayan ng NIA yan 24 hours. Ang ginawa naman naming irrigation system hindi naman para sa amin, para sa farmers. So, every irrigation system bumubuo kami ng irrigators association. Group ito ng mga beneficiaries. Dapat magtulung-tulungan sila, palakasin nila kasi sila lang rin kasi yung makikinabang. So, on their part, tinu-turn over namin yung operation at saka yung maintenance, bantayan nilang hindi masira yung irrigation, hindi pagtapunan ng basura tapos at pag-schedule ng patubig,” dagdag ni De Vera.
Maliban dito ay nagbibigay rin ang NIA-Region 1 ng mga pagsasanay sa mga irrigators na mahalaga sa pagpapatibay sa asosasyon at magpapalakas sa operasyon ng irrigation system ng rehiyon.
“Yung software na ibinibigay namin yung trainings. One is leadership, kailangan kasi yun and then management, system management paano i-manage yung system. And then third yung financial kasi alam naman natin na every association pagka walang pera hindi naman gagalaw,” aniya pa.
Ngayong taon ay may P2-B pondo ang NIA-Region 1 para sa mga proyekto at programa ng ahensiya at plano naman itong dagdagan ng Marcos administration sa susunod na taon upang maisakatuparan ang 97% patubig sa rehiyon.