NTF-ELCAC, pinabulaanang dinukot ng puwersa ng gobyerno ang 2 estudyanteng aktibista

NTF-ELCAC, pinabulaanang dinukot ng puwersa ng gobyerno ang 2 estudyanteng aktibista

KINUMPIRMA ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at National Security Council na lumantad na ang dalawang estudyanteng aktibista na inulat ng mga militante na nawawala at dinukot umano ng mga awtoridad sa Orion, Bataan.

Ang dalawang estudyante na ito ay sina Jhed Tamano at Jonila Castro na community organizers ng AKAP KA Manila Bay.

Ayon sa ilang front organization ng CPP NPA kagaya ng AKAP KA Manila Bay, Karapatan, at Promotion of Church and People’s Response, dinukot ang dalawa ng government forces, pero sa masusing imbestigasyon na ginawa ng mga awtoridad, ang dalawa ay kusang umalis at nagtago sa kagustuhang makawala na sa kilusan.

Sa ulat ni Bataan PPO PIO Chief Police Captain Carlio Buco na noong Setyembre 1 ay nagplano at nagdesisyon nang kumalas ang dalawa sa organisasyon.

Sa isang CCTV footage ay nakita ang dalawa na naglalakad sa kalsada ng Brgy. Lati, Orion Bataan bandang 7:50 ng gabi noong Setyembre 2.

Komontak umano ang dalawa sa isang “Ate” para sila ay matulungan sa kanilang pagsuko sa mga awtoridad dahil sa takot na balikan sila ng kilusan.

Ang tinatawag nilang “ate” ang siyang nagdala sa kanila sa kampo ng militar sa Pampanga.

Setyembre 12 nang boluntaryong sumuko sina Jhed at Jonila sa 70th Infantry Division ng Philippine Army.

Ayon sa mga awtoridad, batay sa sworn statement ng dalawa, ginusto nilang kumalas na sa kilusan dahil na rin sa kanilang mga magulang at kaligtasan.

Ayon naman kay Assistant Director General Jonathan Malaya ng National Security Council, nasa maayos nang kondisyon ang dalawa sa ilalim ng kustodiya ng gobyerno.

Inihayag naman ng tatay ni Jhed Tamano na si Enrique Manalastas na masaya na ngayon ang kanilang pamilya dahil sa maayos na nitong kalagayan sa tulong ng gobyerno.

Ayon kay Malaya, babalikan nila ang mga grupong nagpakalat ng fake news at abduction issue sa dalawa.

Ayon sa pulisya, Setyembre 9, nang nagpa-presscon ang mga front organization at hayagang sinabi na dinukot ang mga ito ng mga awtoridad.

Donation drive ng mga makakaliwa para sa pagpapalitaw sa 2 aktibista scam—NSC

Binalaan din ni Malaya ang publiko na huwag patulan ang donation drive ng makakaliwa sa pamamagitan ng GCash para sa pagpapalitaw sa dalawa.

Isa aniya itong malaking scam.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter