“MAGKAIBA ang ipagpapatuloy at palalakasin”.
Ito ang komento ni Pastor Apollo C. Quiboloy, sa kanyang programang Powerline, ilang araw matapos linawin ni National Security Adviser (NSA) Sec. Clarita Carlos na hindi niya ipatitigil ang NTF ELCAC, bagkus ay ipagpapatuloy ang magagandang resulta ng nasabing programa.
Ayon kay Pastor Apollo, maganda ang plano ni Sec. Carlos na ipagpatuloy ang NTF ELCAC ngunit mas mainam na hintayin muna natin ang magiging resulta nito.
“Tingnan muna natin ang magiging resulta kasi may batayan eh. Iba ‘yung ipagpapatuloy at iba ‘yung palalakasin ang NTF-ELCAC. Bakit may kaibahan? Kasi kung ipagpapatuloy mo ‘yan, ‘yun pa rin ang P4-M kada barangay, wala pa ring katuturan ‘yun. Pero kung palalakasin mo, ibalik ‘yung P20-M per barangay na nangangailangan,” ayon kay Pastor Apollo.
Matatandaan na mayroong ilang senador ang pumabor na tapyasan ng budget ang NTF-ELCAC sa kabila ng maganda nitong resulta sa pagsugpo ng insurhensya sa buong bansa.
Kaya naman, binigyang-diin ni Pastor Apollo na ibalik ang orihinal nitong pondo na 20 milyong piso.
“Ang NTF-ELCAC, walang kwenta ‘yan, pangalan lang ‘yan kung walang budget. Kailan magiging may katuturan ‘yan? Ibalik ninyo ang P20-M per barangay na nangangailangan,” dagdag pa ni Pastor Apollo.
“Kung maaari pa nga, dagdagan pa ninyo eh. Dagdagan pa ninyo, hindi lang sana P20-M per barangay, gawin pa ninyong P50-M per barangay, naku, edi lalong uusbong tayo sa ating bansa ‘pag inuna natin ito,” ayon pa sa butihing Pastor.
“Yun ang hinihintay natin. ‘Pag wala ‘yun, statements, walang kwenta sa akin ‘yun,” ani Pastor Apollo.
Samantala, pinuri naman ng butihing Pastor ang isang senador na nanindigan para sa NTF ELCAC at isinama pa ito sa kanyang mga prayoridad na panukalang batas.
“Kudos kay Sen. Bato. Bilib ako sayo Sen. Bato sapagkat isa kang senador na tumayo noong mga panahong lahat sila nagkaisa para kaltasan ito. Ikaw lang ang isang tumayo para sa NTF-ELCAC at ito ngayon ang priority bill mo. Talagang ikaw ay isang tunay na lingkod ng bayan. Nasa masang inaapi-api ng CPP-NPA-NDF ang iyong puso,” paghanga ni Pastor Apollo kay Sen. Dela Rosa.
Muli namang binigyang-diin ng butihing Pastor na dapat putulin na ang pinaka-ulo ng makakaliwang grupo upang tuluyan nang masugpo ang insurhensya sa bansa.
“Kailangan pagpuputol-putulin ang mga ulo nito eh. CPP-NPA-NDF. Yan ang dragon na may tatlong ulo na nananalasa dito sa atin within 53 years,” ang wika ni Pastor Apollo.