Ombudsman ‘di nagulat sa reaksiyon ni Gov. Gwen sa suspension

Ombudsman ‘di nagulat sa reaksiyon ni Gov. Gwen sa suspension

HINDI na ikinagulat ng Office of the Ombudsman ang pahayag ni Cebu Gov. Gwen Garcia na hindi siya bababa sa pwesto sa kabila ng ipinataw na preventive suspension laban sa kanya.

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, hindi ito ang unang pagkakataon na sinuway ni Garcia ang batas lalo na ang mga kautusan ng Ombudsman.

Sa ibinahagi ni Martires, sinampahan na si Garcia ng kaso sa Ombudsman kaugnay ng pagbili nito noong 2008 ng isang ari-ariang kalauna’y napag-alamang nasa ilalim pala ng tubig.

Dahil dito, noong 2018 kung saan kongresista pa si Garcia ay sinabi ni Martires na ipinag-utos ang pagpapaalis sa kaniya sa puwesto.

Kalakip ang mga parusang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyong pampubliko, cancellation of eligibility at pagwawalang-bisa ng retirement benefits.

Ngunit ang ginawa ni Garcia ay sinuway niya ang desisyon at nanatili sa puwesto hanggang Hunyo 2019 dahil hindi rin ipinatupad ng pamunuan ng Kamara ang kautusan.

Samantala, ang suspensiyon ni Garcia ngayon ay para bigyang daan ang imbestigasyon kaugnay ng pagpayag niya sa isang kompanya ng konstruksiyon na magsimula ng proyekto kahit wala pa itong environmental clearance.

Si Garcia ay tinutulan naman ang naturang anim na buwang preventive suspension.

Ayon sa kaniya, bagamat iginagalang niya ang proseso ng batas, hindi siya sang-ayon sa batayan at pangangailangan ng nasabing aksiyon.

Ipinaliwanag niya na ang pagbibigay ng special permit sa Shalom Construction, Inc. noong Mayo 2024 ay bunga ng agarang pangangailangan na tugunan ang matinding kakulangan sa tubig na nakaapekto sa buong saklaw ng Metropolitan Cebu Water District, kabilang ang Cebu City at pitong iba pang lokal na pamahalaan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble