SIMULA sa unang araw ng Mayo ngayong taon, lahat ng dayuhang papasok sa Thailand, kabilang ang mga pasaherong bumiyahe gamit ang AirAsia Philippines, ay kinakailangang magparehistro online gamit ang Thailand Digital Arrival Card bago pa man makarating sa bansa.
Ang bagong patakaran ng Thai Immigration Bureau ay naglalayong mapabilis at mapatibay ang proseso ng immigration sa Thailand. Sa ilalim ng bagong patakaran, hindi na gagamitin ang paper arrival forms.
Maaaring magparehistro ang mga pasahero sa loob ng tatlong araw bago ang kanilang pagdating sa pamamagitan ng website na makikita sa screen.
Narito ang ilang mahahalagang puntos na dapat tandaan ng mga pasahero:
Online Registration: Kinakailangang kumpletuhin ng lahat ng pasahero ang Thailand Digital Arrival Card bago pa man makarating sa Thailand.
Pagpapalawig ng Pananatili: Kung ang isang dayuhan ay mananatili sa Thailand nang higit sa siyamnapung (90) araw, kinakailangang magbigay ng written notification sa pinakamalapit na opisyal ng imigrasyon tungkol sa kanilang lugar ng pananatili sa lalong madaling panahon pagkatapos ng siyamnapung (90) araw, at kailangang gawin ito tuwing siyamnapung (90) araw.
Pagtatrabaho: Hindi pinapayagan ang mga dayuhan na magtrabaho sa Thailand nang walang kaukulang permiso.
Hinihikayat ang mga pasaherong patungo sa Thailand na suriin ang mga detalye ng bagong patakaran at tiyakin na nakumpleto nila ang kinakailangang online registration bago ang kanilang biyahe.