Online safety ng mga mag-aaral, ipinapaalala ng DepEd sa mga guro

Online safety ng mga mag-aaral, ipinapaalala ng DepEd sa mga guro

Sa nalalapit na pagsisimula ng school year 2025–2026, nagbigay ng paalala ang Department of Education (DepEd) sa lahat ng guro na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon ng mga mag-aaral, lalo na sa mga online platform.

Ayon sa National Privacy Commission Advisory Opinion No. 2020-0461, hindi inirerekomenda ang pagpo-post ng class list o roster na naglalaman ng buong pangalan ng mag-aaral, pangalan ng paaralan, baitang o grado, at seksyon sa mga pampublikong social media o online sites.

Ang ganitong impormasyon ay itinuturing na sensitive personal information sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012 o Republic Act 10173. Kaya’t mahalagang tiyakin na ito ay hindi basta-bastang isinasapubliko para mapanatili ang seguridad at privacy ng mga bata.

Nilinaw ng DepEd na maaari lamang ibahagi ang mga impormasyon gaya ng class list kung ito ay ipadadala sa private groups na eksklusibo sa mga magulang, at may malinaw na layunin tulad ng pagpaabot ng impormasyon tungkol sa section ng kanilang anak. Mahalaga lamang na hindi ito makikita ng publiko.

Paalala ng DepEd: Mag-isip bago mag-post.

Ang ligtas at maingat na pagbabahagi ng impormasyon ay isang hakbang tungo sa responsableng pagbabalik-eskwela online man o pisikal.

Samantala, nagpapatuloy ang Brigada Eskwela 2025, na sinimulan noong Hunyo a-nuwebe at magtatapos sa Hunyo a-trese, para masigurong handa ang bawat silid-aralan sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo a-disi-sais.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble