Operasyon ng Pasig River Ferry, apektado sa sobrang kapal ng basura sa Ilog Pasig

Operasyon ng Pasig River Ferry, apektado sa sobrang kapal ng basura sa Ilog Pasig

DAHIL sa sobrang kapal ng mga basurang palutang-lutang sa Ilog Pasig ay hindi na makadaan ang mga bangka sa Ilog Pasig mula PUP hanggang Escolta station ng Pasig River Ferry Service.

Kaya naman muling nagpapaalala ang MMDA sa publiko na maging responsable sana sa pagtatapon ng basura lalo’t numero uno itong dahilan ng pagbaha sa Metro Manila.

Ibinahagi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang ilang mga larawan na halos hindi na makita ang tubig sa Ilog Pasig dahil sa natabunan na ng samu’t saring basura na palutang-lutang sa ilog.

At dahil sa sobrang kapal nga ng mga basura, natigil ang operasyon ng Pasig River Ferry Service sa mga istasyon mula PUP hanggang Escolta.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, gamit ang tatlong trash skimmer – umabot ng dalawang oras ang paglilinis sa ilog na may sangkatutak na basura.

Cycle ng paglilinis ng basura sa Ilog Pasig, hindi matatapos hangga’t hindi magbabago ang mindset ng publiko—MMDA

Punto ni Artes, kahit tuluy-tuloy ang paglilinis sa Pasig River pero kung hindi naman magbabago ang mindset ng mga tao ay hindi pa rin matatapos ang problema sa basura sa naturang ilog.

Panawagan ng ahensiya sa publiko – maging responsable naman sana sa pagtatapon ng basura dahil iyan din ang numerong unong dahilan ng mga pagbaha sa Kalakhang Maynila.

Sa ngayon, puspusan na ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para sa papalapit na La Niña.

Follow SMNI NEWS on Twitter