3 opisyal ng NTC, pina-iinhibit sa kaso ng SMNI

3 opisyal ng NTC, pina-iinhibit sa kaso ng SMNI

HINILING ng kampo ng Sonshine Media Network International (SMNI) na alisin ang tatlong opisyal ng National Telecommunications Commission (NTC) sa pagdinig ng administrative case na sila rin ang naghain laban sa network.

Ito’y matapos dumalo ang mga abogado ng SMNI na sina Atty. Mark Tolentino at Rolex Suplico sa pagdinig ng NTC nitong Huwebes ng umaga kaugnay sa 30-day preventive suspension at pagpapalabas ng show-cause order.

Pinapa-inhibit nina Tolentino at Suplico sina NTC Commissioner Ella Blanca Lopez at dalawang Deputy Commissioner na sina Jon Paulo Salvahan, at Alvin Bernard Blanco.

Diin ng mga abogado, kuwestiyunable ang independence at impartiality ng nasabing mga opisyal dahil sila ang naghain ng reklamo laban sa SMNI, sila rin ang maglilitis at kabilang sila sa magpapasya sa kahihinatnan ng istasyon.

Sabi nina Suplico at Tolentino, sa ganitong set-up ay wala umanong maaasahan na hustisya ang SMNI.

“In this case sila ang complainant. Sila ang judge. So how can we expect justice? And part of due process is a cold neutrality of an impartial judge. And second not only impartial but must appear to be impartial,” ayon kay Atty. Mark Tolentino, Legal Counsel ng SMNI.

“Parang judge iyan eh, na nag-file ng kaso at ang kaso nasa korte niya. May laban ka ba doon?” ayon kay Atty. Rolex Suplico, Legal Counsel ng SMNI.

“In short we cannot expect justice from the NTC in this case. The NTC is the judge. The NTC is the complainant. The NTC is the executioner. We cannot expect justice from the NTC,” dagdag ni Atty. Suplico.

Dagdag pa ng mga abogado na hindi rin malinaw kung ano ang reklamo o violation na nilabag ng SMNI para suspendihin ng NTC.

“Walang complaint. Hindi nga namin alam kung anong violation para masagot namin. So that’s why we are studying kung anong possible pleadings na i-file namin,” dagdag ni Atty. Tolentino.

Matatandaan, noong Disyembre 21, 2023 sinuspinde ng NTC ang operasyon ng nasabing network sa radyo at telebisyon.

Ito’y pagkaraang ipasa ng Kamara ang resolusyon na inihain ni PBA Party-list Rep. Margarita Nograles na naghihimok sa NTC na suspendihin ang network dahil umano sa mga paglabag.

Bagay na para sa SMNI ay hindi katanggap-tanggap lalo pa’t hindi nabigyan ng pagkakataon ang network na makapagpaliwanag at sumagot sa show cause order ng NTC bago ang pagpapataw ng suspension.

Matatandaan na kasunod ng pag-iisyu ng NTC ng show cause order para sa network ay nagpalabas agad ito ng suspension order na immediately executory.

Lumalabas na bago pa ang pagdinig ng NTC sa mga alegasyon ay nagpalabas na agad ito ng kaparusahan sa network.

Dumulog naman ang mga abogado ng SMNI kamakailan sa Court of Appeals (CA) para ireklamo ang NTC.

Naghain ang network ng certiorari at mandamus na may kalakip na apela na magpalabas ang CA ng Temporary Restraining order o Preliminary Injunction  para sa pagpapatigil ng implementasyon ng suspension order.

Sa panahon naman na mag-inhibit ang tatlong opisyal ng NTC, posibleng i-refer ang kaso sa Department of Justice (DOJ) at magtatalaga ng bagong didinig nito.

Sakaling ibasura umano ng NTC ang kanilang motion, ito ang naging tugon ng mga abogado.

 “We will file the possible pleading. Maybe we will file a motion for reconsideration and go to the higher court for on the ground that there is grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction,” ani Tolentino.

“Wala naman akong nakikita na hindi sila mag-inhibit. Kasi it’s right here staring in your face. Kitang-kita eh. Hindi ko nga malaman bakit hindi nila napansin ito. Ito oh. Korte, NTC. Complainant, NTC,” ani Suplico.

Muling binigyang-diin ng mga abogado na ang ginagawa umano ng NTC ay maaring magdulot ng chilling effect sa mga iba pang mamamahayag sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble