POSIBLE nang palalawakin ang Oplan Pag-Abot program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa Executive Order No. 52 ng Malacañang, isinabatas na ang programa na nag-aalok ng tulong sa mga pamilya, kabataan, at iba pang indibidwal na nakatira sa lansangan.
Sa pamamagitan aniya nito ay mas magiging epektibo ang pagpapatupad ng programa ayon kay DSWD Asec. at Spokesperson Romel Lopez.
Sa pagsasabatas ng Oplan Pag-Abot program ay bubuo na ng isang inter-agency committee upang talakayin ang pagpauunlad at gawing standard ang mga probisyon na ibibigay sa mga mahihirap na Pilipino sa lansangan.
Ang kalihim ng ahensiya ang magiging chairman ng bubuuing inter-agency committee habang ang kalihim naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang vice chair.
Ang Oplan Pag-Abot ay inilunsad noong Hulyo 2023 bilang priority program ni DSWD Sec. Rex Gatchalian.