Mahigit 21,000 piraso ng substandard lead-acid storage batteries na nagkakahalaga ng P110 milyon ang winasak ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isinagawang ceremonial destruction nitong Hunyo 13, 2025 sa isang waste disposal facility sa Valenzuela City.
Ayon sa DTI, walang nakalagay na marka o sticker ng Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) ang mga nasabat na baterya.
Malinaw na paglabag ito sa Republic Act No. 4109 o Product Standards Law.
Ang mga bateryang ito ay nakumpiska sa isang malawakang operasyon noong Setyembre ng nakaraang taon katuwang ang National Bureau of Investigation – National Capital Region (NBI-NCR).
Dagdag ng DTI, ang ganitong uri ng produkto ay maaaring magdulot ng chemical leaks, sunog, at iba pang banta sa kalikasan at kaligtasan ng publiko.
Patuloy ang kampanya ng ahensya laban sa mapanganib at substandard na produkto, bilang pagtitiyak sa kaligtasan ng mamimili at proteksyon sa kabuhayan ng mga lehitimong negosyante.