P29/kg ng bigas ng gobyerno, hindi bukas sa lahat ng mamimili

P29/kg ng bigas ng gobyerno, hindi bukas sa lahat ng mamimili

HINDI pabor ang ilang mamimili sa bagong guidelines na ipinalabas ng Department of Agriculture (DA) na limitado sa piling indibidwal ang maaari lamang makabili ng P29/kg ng bigas sa ilang Kadiwa Centers.

Malaking hamon kay Aling Lanie na makahanap ng mapagkakakitaan na ipambibili ng pagkain sa araw-araw. Sa bigas pa lang aniya, P60 kada kilo na. Kaya naman sa tulad niyang mahirap – siguradong kakapusin ang kakarampot na budget. May P29/kg naman aniya ng bigas na ibinebenta sa Kadiwa, ‘yun nga lang piling tao lang maaaring makabili nito.

Bukas lang kasi ito para sa mga benepisyaryo ng 4Ps, nakatatanda, may kapansanan at solo parent. Kung kaya, hindi maaaring makabili ang sinumang indibidwal na hindi pasok sa mga nabanggit na sektor. Ganon na lamang ang panghihinayang ni Aling Lanie dahil sa pag-aakala niyang makakaiwas sa pagbili ng mahal na bigas.

Kung noon ay umaabot sa limang kilo ang maaaring mabili, ngayon – tatlong kilo kada indibidwal na lang.

Pero, paglilinaw ng Department of Agriculture (DA), binabalangkas pa ang guidelines sa pagbebenta ng P29/kg ng bigas.

“Under study pa sa ngayon ‘yung mechanics on how it will be given. Pinag-aaralan pa hanggang ngayon,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Sa ilalim umano ng contract farming ng National Irrigation Administration (NIA) posibleng makapagbenta sila ng apat na milyong sako ng bigas sa halagang P29/kg sa buwan ng Agosto.

“Susunod kami sa guidelines ng DA but for us marami kasi ‘yung 4 million sa amin lang dito sa Kadiwa Center pagbigay namin sa areas dapat per family makakuha ng isang sack kahit mahirap man siya o hindi,” ayon kay Engr. Eddie Guillen, Administrator, NIA.

DA, hindi inaalis ang posibilidad na maabot ang 4.6 milyong metriko tonelada ng imported rice na projection ng USDA

Ayon sa DA, maaari pa rin naman makabili ng murang bigas ang hindi kabilang sa apat na sektor dahil magmumura umano ang bigas sa palengke sa oras ibaba ang taripa sa imported rice.

Sa pagtataya nga aniya ng Philippine Statistics Authority (PSA), bababa ito ng P6 hanggang P7 kada kilo.

Sa ngayon pa nga lang, umabot na sa 2.2 milyong metriko tonelada ng imported rice ang dumating sa bansa.

Hindi aniya imposible na maabot ang 4.6 milyong MT ng bigas na aangkatin ng Pilipinas na base na rin sa projection ng United States Department of Agriculture (USDA) sa taong ito.

“Possible ‘yun, possible. Pero, hindi pa namin makita kung gaano kalaki as of today,” ani De Mesa.

Matatandaan na iba’t ibang grupo mula sa sektor ng agrikultura na ang umalma sa plano ng gobyerno na gawing 15% ang taripa sa imported rice.

Ito aniya ang magiging dahilan para tamarin ang maraming magsasaka sa pagtatanim dahil siguradong babaha na ng imported rice sa merkado.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble