INIHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na handa na silang ipamahagi ang fuel subsidy para sa mga operator at tsuper na apektado ng walang prenong taas-presyo sa produktong petrolyo.
Makakahinga lang kahit papaano ang mga drayber ng mga pampublikong transportasyon kung hawak na raw nila ang subsidiya na ipinangako ng pamahalaan.
Kuwento ni Francis, araw-araw na hindi sapat ang kaniyang nauuwing kita sa pamamasada ng jeep dahil nasa P1,580 ang gastos niya sa diesel kada araw, mas malaki pa sa gastos sa pagkain.
“Mas malaking bagay po sa tulong sa mga drayber yun,” wika ni Francis Mariano, Tsuper.
“Dapat kasi ibaba na yung diesel, lalo na ngayon na tumaas wala po kami gaanong sinu-sobra tapos mas mataas na rin yung boundary,” aniya.
Ang taxi drayber na si Simuer hindi na nag-iikot para maghanap ng pasahero dahil aksaya lamang anya ito sa gasolina.
Diskarte niya, pumipila na lamang siya sa loading at unloading area ng mga taxi sa bahagi ng PHILCOA sa Quezon City.
Kaya hiling nito na bukod sa fuel subsidy at mabigyan din sila ng pinansiyal na tulong upang makaraos kahit papaano.
“Kasi sa gasolina lang din mapupunta yung subsidy, sa pamilya namin ay wala ring mapupunta rin doon,” ayon kay Simuer, Taxi Driver.
Pinuri naman ni Lando Marquez, Presidente ng Liga ng Transportasyon at Operator sa Pilipinas (LTOP) ang pamamahagi ng fuel subsidy ng pamahalaan.
Kasunod ito sa anunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na araw ng Miyerkules, Setyembre 13 ang rollout ng nasabing subsidiya.
Pero, hiling lamang ng grupo na dapat magkaroon ng franchise verification ang ahensyia bago ang distribusyon nito.
“Ang dapat lang na tumanggap ay ito ‘yung nakarehistro, nagbabayad buwis sa gobyerno, sana ‘yun ang makatanggap. Dahil po, kaya ko sinasabi ito dahil noong mga nakaraang nagbigay ng subsidy marami po ang pinag-kantsiyawan kami na nakatay na nila ‘yung jeep nila at ipinakilo na nila pero nakatanggap pa rin ng subsidy,” ayon kay Lando Marquez, President, LTOP.
“Biruin mo nangongolurum nal ang pumapasada pa at ‘yun na lang ang bibigyan na hindi naman nagrerehistro. Dapat mayroong tinatawag na franchise verification registration,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Marquez na pasado alas dose ng tanghali araw ng Miyerkules ay wala pa silang nakukuhang ayuda mula sa kanilang hawak na Pantawid Pasada card.
Sa press conference ng LTFRB, hapon ng Miyerkules inihayag ni LTFRB Chairman Asec. Teofilo Guadiz III na nasa Land Bank of the Philippines na ang pondo ng fuel subsidy program at handa na itong ipamigay sa mga benepisyaryo.
Pero sa tanong kung kailangan maipamamahagi ang lahat ng pondo, ang sagot ng LTFRB ay depende na sa Land Bank.
“Nadownload na namin sa Land Bank ang Department of Budget and Management has already downloaded the money. Now it’s up to the Land Bank kung gaano nila kabilis iproseso ‘yung mga perang dinownload ng gobyerno. But, so far is the LTFRB is concern is downloaded na po ang pera, so nasa processing na po ang bisita how fast they can credit to the individual accounts of the operators,” ani Asec. Teofilo Guadiz III, Chairman, LTFRB.
Nasa 280,000 PUV units ng pampublikong transportasyon ang target na mabigyan ng ayuda.
Mula sa nasabing bilang, naibigay na rin ng ahensiya ang listahan ng kwalipikadong benepisyaryo na aabot sa 50,000.
Kabilang na rito ang mga operator ng jeep, bus, taxi, UV express, shuttle service, tourist, at school service.
Makatatanggap ng P10,000 ang mga modernized jeepney at UV express.
P6,500 naman ang matatanggap ng tradisyunal na jeep, bus, TNVs, at taxi.
Aabot sa 930,000 sa mga tricycle driver at 150,000 sa mga delivery rider.
DTI naman ang mamahagi ng P1,200 na fuel subsidy sa mga delivery rider at DILG naman sa P1,000 para sa tricycle drivers.
“Hinihikayat natin ‘yung nga driver beneficiaries na sakaling hindi ibigay ng kanilang operators ‘yung fuel subsidy na ipagbigay alam po sa aming opisina para maaksyunan po ng opisina. ‘Yung mga hindi lang po makasama sa dating listahan ay ‘yung mga expired na ang prangkisa po,” saad ni Atty. Robert Peig, Executive Director, LTFRB.