BASE sa report, nasa 14 milyong piso ang tinatayang pinsala kung saan 14 na silid-aralan ang nasunog, kabilang na ang canteen, clinic, at ang gymnasium.
Pinangunahan ni DepEd Undersecretary Atty. Peter Irving Corvera ang ceremonial turnover ng tulong noong Hunyo asais. Kasama rin dito ang mga opisyal mula sa Central at Regional Office ng DepEd pati na ang mga superintendents mula sa Western Visayas.
Ayon kay OIC Regional Director Cristito Eco, malaking bagay ang mabilis na aksyon ng Central Office upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga estudyante.
Sakop ng ibinigay na pondo ang pagtanggal at paglilinis sa mga nasirang kagamitan ng sunog at paggawa ng sampung pansamantalang silid-aralan.
Kasama rin dito ang pagbili ng teachers kits, play kits, at pagtatayo ng temporary wash facility.
Naglaan na rin ang lokal na pamahalaan ng 25 milyong piso para sa mga bagong silid-aralan.
Ayon naman sa school principal ng paaralan, nagsimula ang sunog sa laboratory ng Technology Livelihood Building at mabilis na kumalat dahil sa luma na rin ang istraktura.
Pansamantalang ililipat ang mga estudyante sa multipurpose building at mga makeshift classrooms habang inaayos ang nasirang mga silid-aralan.
Umapela rin ang principal ng paaralan na dagdagan ang tulong mula sa publiko dahil nasunog rin ang supply office na naglalaman ng mga gamit para sa pagbubukas sana ng klase ngayong Hunyo 16.