P4-M na utang ng mga estudyante sa CHED, pinababayaran sa DSWD

P4-M na utang ng mga estudyante sa CHED, pinababayaran sa DSWD

HINILING ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin kay Social Welfare Secretary Erwin Tulfo na tulungan ang may 338 mahihirap na estudyante upang mabayaran ang P4.4M na utang sa Commission on Higher Education (CHED).

Ang nasabing utang ay reimbursement o ang dapat na ibalik ng mga estudyante sa CHED dahil sumobra ang kanilang nakuhang financial aid sa ilalim ng scholarship program ng gobyerno.

Inisyuhan ng Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance ang CHED matapos lumabas sa kanilang audit na ilang mga estudyante ang nakakukuha ng dalawang magkaibang scholarship grant gayong ipinagbabawal ito.

Bunga nito, kinumpirma ni CHED Chairperson Prospero de Vera na kamakailan lang ay nakapagpadala na sila ng notice of payment sa mga estudyante na karamihan ay mula sa Regions 2 at 5 at sinisingil nila itong ibalik ang nakuhang double scholarship na aabot sa halos P15,000.

Kaya hiling ni Garin na sana’y tulungan ni Sec. Tulfo ang mga estudyante na ito dahil karamihan sa mga nakakuha ng double scholarship ang hindi alam ang patakaran ng COA.

“We are humbly asking Social Welfare Secretary Erwin Tulfo, may mga programa sila gaya ng AICS na maaaring paghugutan para makabayad na ang ating mga estudyante sa CHED,” saad ni Garin.


Follow SMNI NEWS in Twitter