KASABAY ng muling pagpapatupad ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila, sinabi ng MMDA na tumataas ang bilang ng mga motoristang gumagamit ng iba’t ibang paraan upang dayain ang sistema.
Sa mga kuha ng CCTV, kapansin-pansing nilalagyan ng electrical tape o masking tape ang mga plaka. Ang ilan, face mask pa ang inilalagay—matakpan lang ang plaka. May mga sadyang kinikiskis ang plate number upang hindi mabasa.
Ayon kay Victor Nuñez, hepe ng MMDA Traffic Discipline Office, malinaw na ito ay paglabag sa umiiral na traffic code. Mahigpit ang paalala ng opisyal, partikular sa mga motorcycle riders, kaugnay ng bigat ng kaparusahang kaakibat nito.
Sinabi niyang sinumang motorista na mahuhuling sumusulat, nagtatakip o nagbabago ng kanilang plaka ay maaring patawan ng multang P5,000.
“Baka po hindi alam ng ating mga kababayan na ang multa po niyan ay mahal. Marami kaming na-monitor sa CCTV na nilagyan ng electrical tape, nilagyan ng masking tape. So, we admire the Filipino ingenuity pero I am warning them na ang penalty for this is 5,000 baka po magulat sila,” saad ni Atty. Victor Nuñez, Head, MMDA Traffic Discipline Office.
Sa ilalim ng NCAP, ang mga lumalabag sa batas-trapiko ay mahuhuli sa pamamagitan ng CCTV footage sa mga pangunahing kalsada. Gumagamit din ang MMDA ng artificial intelligence o AI upang otomatikong matukoy ang mga paglabag.
Sabi pa ng opisyal, bukod sa kuha sa CCTV, mas malaking problema aniya ng mga traffic violator ang presensya pa rin ng mga MMDA enforcer sa mga lansangan na handang magsagawa ng aksyon laban sa mga nagtatangkang magmanipula ng kanilang mga plaka.
Kaugnay rito, sinabi ni Nuñez na naglabas na sila ng memorandum sa lahat ng kanilang mga tauhan upang tutukan ang naturang “ingenuity” ng mga motorista at maagapan ang ganitong paglabag.
“So, pinakalat na po namin iyan. Marami ho ang nagpapadala sa amin even kay Chairman Artes ng mga pictures and videos na may mga ginagawa silang kung ano-ano para makaiwas. So, ibig sabihin po nito, gusto talaga nilang mag-violate that’s why natatakot sila kaya kung anu-anong nilalagay sa kanilang mga plaka. But, bawal ho iyon at ang fine po doon is 5,000,” ani Nuñez.