NAKATAKDANG itayo ang isang parke na nagkakahalaga ng P70-M sa bahagi ng Roxas Boulevard sa Pasay City.
Ito ay sa patuloy na ginagawang hakbang ng gobyerno sa pag-develop ng mga parke sa pangunguna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nitong Miyerkules ng umaga, lumagda sa isang kasunduan ang MMDA at Philippine Reclamation Authority para sa pagpapatayo ng isang linear park sa bakanteng lote sa bahagi ng Roxas Boulevard sa Pasay City.
Ang Roxas Boulevard Promenade ay isang 800 meter linear park na nagkakahalaga ng P70-M na sagot ng MMDA.
“Isa itong malaking open space na ating nakita para idevelop. Part ito ng urban renewal project natin para mag-develop ng open spaces para mayroong lugar ang ating mga kababayan na mag-spend ng time, mag-exercise, magpahinga at mag-bonding kasama ang pamilya.”
“It’s just a canal na naka-enclose so wala ka naman puwedeng itayo na mataas diyan na structure. Kaya tayo ay nakipag-usap at nakipag-ugnayan sa PRA.”
“Para instead na ganiyan lang siya, konkreto, ay malagyan natin ng amenities para magamit ng ating mga kababayan as park,” saad ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
Tampok sa Roxas Boulevard Promenade ang iba’t ibang pasilidad.
Mayroon itong pet park, rest areas, football pitch, at pathwalks para sa mga nais mag-jogging at magbisikleta.
Ayon kay Artes, sisimulan na ang pagpatayo nito ngayong linggo at pipiliting matapos sa darating na Pasko.
Tinitingnan na rin ng ahensiya ang pag-develop ng mga parke sa Pasig, Manila, Taguig, at iba pang lungsod sa mga darating na buwan.
“Tuluy-tuloy naman ‘yung pakikipag-ugnayan natin sa LGUs kasi sila ‘yung nagbibigay sa atin ng open space na ide-develop natin into a park. MMDA ang gagastos,” dagdag ni Artes.