Pagbibigay ng pensiyon at benepisyo sa mga Army personnel, mas pinabilis—PH Army

Pagbibigay ng pensiyon at benepisyo sa mga Army personnel, mas pinabilis—PH Army

ANG trabaho ng isang sundalo ay hindi madali, ito ay isang propesyon na sinumpaan kalakip ng kanilang buhay. Malaki ang papel na kanilang ginagampanan para mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat Pilipino. Handang magbuwis ng kanilang buhay para sa bayan, sabi nga ng iba, buhay pa pero nasa hukay na ang mga paa.

Kaya naman bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga sundalo, mas pinabilis pa ngayon ng Philippine Army (PA) ang pagbibigay ng mga pension at financial assistance sa mga sugatan at mga nasawi.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni LtGen. Roy Galido, commanding general ng Philippine Army na inayos na nila ang problema kaugnay sa pagbibigay ng benepisyo sa mga sundalong nagbuwis ng buhay para sa bayan.

“This time we have solved that problem. So, once a member of the Army sacrifices his life on duty, call of duty, immediately we give compensation and fastest within a month. ‘Yung beneficiaries already receives their monthly pension and that is being achieved already,” ayon kay LtGen. Roy Galido, Commanding General, PA.

Dati kasi, matagal natatanggap ng mga survivor na mga sundalo ang kanilang mga benepisyo.

“Before it takes a long time, siguro kung malalaman niyo lang ‘yung time frame kung kelan natatanggap ng survivors ‘yung benefits baka kayo ayaw niyo maging survivor,” dagdag pa nito.

Kaugnay rito, sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army, sinabi nito na noon umaabot sa isa hanggang dalawang taon bago matanggap ng mga sundalo ang kanilang benepisyo.

“Inemphasized niya dun ‘yung mga benefits hindi lang ng sugatan na sundalo, lahat ng sundalo natin particularly yung killed in action so pinabilis natin ‘yung pagbigay ng benepisyo lalong-lalo na sa kanilang mga naiwan na pamilya. Dati inaabot ng isa o dalawang taon bago makuha ‘yung benefits ‘yung pension,” ayon kay Col. Louie Dema-ala, Spokesperson, PA.

Paliwanag ni Col. Dema-ala, magmula nang maupo bilang commanding general ng Philippine Army si LtGen. Galido, pinapa-comply na sa lahat ng Army ang tinatawag na military personnel file.

Dati aniya kasi kapag may mga sundalong nasugatan o nasawi sa operasyon, ang pamilya o kaanak pa nito ang kumukuha ng mga dokumento kaya natatagalan ang proseso ng benepisyo.

Ngunit dahil sa bagong sistema na sinusunod ng Philippine Army, madali na lang ang pagkuha ng benepisyo.

Sa huli, binigyang-diin ni LtGen. Galido na nais nitong ipaalam sa lahat ng Army personnel na hindi pababayaan ng pamahalaan ang kanilang pamilya sakaling may hindi magandang nangyari sa kanila sa panahon na naglilikod sila para sa bayan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble