NAGHAIN ngayon lamang buwan ng panukalang batas si Parañaque 2nd District Rep. Gus Tambunting para bigyan ng special powers ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Paliwanag nito, P2.4-B ang nawawala sa kaban ng bayan kada araw hindi pa kasama ang nasasayang na mga opurtunidad kaya dapat itong maresolba sa lalong madaling panahon.
Nakababahala rin aniya na ang Metro Manila ang may ‘worst traffic on earth’ batay sa pag-aaral ng GPS-based navigation application na Waze na nakadagdag sa bigat na dapat matugunan ang problema.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ang Pangulo ng kapangyarihan na pumasok sa mga kontrata at kasunduan para bumili, mag-ayos, mag-rehabilitate at mag-maintain sa lahat ng transportation related construction projects para maresolba ang traffic problem sa Metro Manila.
Bibigyan din ng otoridad ang Pangulo na i-reorganize ang mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa traffic management gaya ng DOTr, LTO, LTFRB, MMDA at Toll Regulatory Board para bumuo ng mga polisya.
Sakop din ng bill ang pagbibigay otoridad sa presidente na pangunahan ang operasyon ng LRT, MRT, PNR sa kaparehas na layunin.