MAGSISIMULA na ang campaign period sa Marso 28 para sa local positions.
Ang Commission on Elections (COMELEC) ay inaasahan na ang pagdagsa ng mga campaign poster.
Ngayon pa nga lang daw ay marami na ang nakakabit sa mga ipinagbabawal na lugar.
Sa may kahabaan ng Vito Cruz sa Maynila, makikita ang pagmumukha ng mga kandidato, mapa-nasyonal o lokal, sa mga poste ng kuryente, halaman, at puno.
Ayon sa COMELEC, ang mga illegal poster ay ipababaklas nila mismo sa mga lokal na kandidato, lalo na’t kulang na raw sila ng mga tao at resources.
Mayroon lamang tatlong araw para matanggal ang illegal posters.
Kung sa loob ng tatlong araw ay hindi pa rin ito binaklas, padadalhan sila ng show cause order kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng komisyon.
Local reelectionists, hinimok na alisin ang kanilang mga larawan sa mga pasilidad o proyekto ng gobyerno
Pakiusap naman ng komisyon sa mga incumbent official na tumatakbo pa rin sa eleksiyon na tanggalin ang kanilang mga larawan sa mga napagawa nilang proyekto o pasilidad ng gobyerno.
Ang kumakandidatong Manila Mayor na si Isko Moreno ay susunod daw sa regulasyon ng poll body pagdating sa pagkakabit ng mga campaign material.
Hindi rin aniya ito papatol sa negative campaigning.