HINDI makatwiran ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagiging isa sa “Worst Countries for Workers” ng Pilipinas.
Inalmahan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang inilabas na survey ng ilang labor groups na ang Pilipinas umano ay kabilang sa “Pinakamalalang mga Bansa para sa mga Manggagawa”.
Ang masaklap pa diyan, walong magkakasunod na taon na umanong pasok ang Pilipinas sa nasabing listahan.
Aminado ang kalihim na ang lumabas na survey ay hindi lamang nakapipinsala sa reputasyon ng mga manggagawa kundi maging sa reputasyon ng Pilipinas.
“Ako’y nalulungkot kasi hindi sya reflective ng tunay na kalagayan ng ating mga manggagawa sa ating bansa, hindi ko sinasabi na perpekto tayo, meron talagang cases na naire-report sa kanila pero hindi ko sasabihin na ang general o pertaining atmosphere” ayon kay Sec. Bienvenido Laguesma, DOLE.
Sinabi rin ni Laguesma na sa loob ng walong taon tila ba pinalalabas ng survey na walang ginagawa ang pamahalaan para sa mga manggagawa sa bansa.
“Ang aking batayan ng aking pagkalungkot, ‘pag sasabi ng hindi makatwiran, unreasonable, ’yung mismong description nila sa mga rating,” ani Laguesma.
Nitong nakalipas na linggo naglabas ng pahayag ang International Trade Union Confederation (ITUC) sa pamamagitan ng mga kaanib nito na mga labor group sa Pilipinas.
Sa paglunsad ng 2024 Global Rights Index ng ITUC sa Geneva na ang Pilipinas ay nakatanggap ng rating 5, bilang “Worst Countries for Workers”, ibig sabihin walang garantiya para sa karapatan ng mga manggagawa sa bansa.
Isa rin anila ito sa anim na bansa kung saan napatay ang mga unyonista sa napakalaking bilang.
At wala ni isa sa naitalang 72 kaso ng pamamaslang sa unyon mula noong 2016, ang naresolba.
Gayunpaman ipinagmamalaki ni Laguesma ang Pilipinas ay nahalal bilang Deputy Member of the International Labour Organization (ILO) Governing Body.
Nangangahulugan ang Pilipinas ay tumatalima sa mga international commitment ng bansa.
“Ito pong nakaraang International Labor Conference (ILC), tayo po bilang bansa ay nahalal, kasama po tayo sa Governing Board, ang last time natin na tayo ay nasa Governing Board ay 2008,” aniya.