Pagkakaibigan ng Pilipinas at China, may limitasyon — Malakanyang

INIHAYAG ng Palasyo ng Malakanyang na malinaw na may hangganan o limitasyon ang pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ang pahayag ay may kinalaman sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

(BASAHIN: Tensyon sa usaping WPS, walang negatibong epekto sa labor ng China)

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tiyak na paninindigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang usapin pagdating sa scarce resources katulad ng langis at natural gas.

Ito’y lalo’t kung sisimulang ipaggiit ng China ang pag-angkin sa oil at gas deposits sa WPS.

Sa Talk to the People Address ng Pangulo, sinabi nito na hindi kabahagi ng kasunduan ng Pilipinas at Beijing ang pag -exploit ng langis at mineral resources sa pinag-aagawang teritoryo.

Nagbabala rin ang Punong Ehekutibo na magpadala ng gray ships sa WPS kung sakaling mag-umpisa nang mag-drill ng langis sa karagatan ng WPS ang China.

Gayunpaman, inihayag ng Malakanyang na patuloy ang mapayapang pakikipag-usap ng Pilipinas sa China para sa pagbuo ng final at binding Code of Conduct (COC) sa WPS.

Tiwala si Secretary Roque na magkakaroon ng magandang resulta ang gagawing negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at China lalo’t magkakaibigan ang dalawang bansa.

Samantala, una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang makakaharang sa mga barko ng Pilipinas na tutungo sa WPS.

Mababatid na regular ang pagpapatrolya sa lugar ang naval, coast guard at fisheries bureau vessels ng bansa.

SMNI NEWS